PAGBABA NG SINGIL SA KURYENTE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

MAGANDANG balita para sa mga customer ng Meralco ang kaka-anunsyo lamang nitong nakaraang linggo na bawas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Enero.

Nasa halos 22 sentimo ang ibinaba ng rate, na katumbas ng mahigit na 100 pisong mababawas sa bayarin ng isang customer na kagaya kong nasa halos 500 kWh ang buwanang konsumo.

Dahil tataas na naman ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, mabuti namang may relief naman para sa mga customer ng Meralco.

Malaking tulong na rin ‘yan sa mga pamilyang Pilipino dahil ang mababawas sa bayarin sa kuryente ay maaaring ipanggastos sa ibang pangangailangan kagaya ng bigas.

Bukod sa pagbaba ng rate ng kuryente, siguradong makatutulong din ngayong buwan ‘yung pagbaba rin ng konsumo ng isa pang nagiging basehan ng bayarin natin buwan-buwan.

Medyo malamig kasi ang panahon kumpara noong mga nakaraang buwan. Pero kahit na magandang pagsalubong ito para sa bagong taon, kailangan na rin natin isaalang-alang ngayon pa lang, na sa pagpasok ng tag-init sa mga paparating na buwan, siguradong tataas na naman ang ating konsumo.

Mahalagang maisaisip ng publiko na ang ating konsumo ang patuloy na nagdidikta ng kabuuang halaga ng ating binabayaran kada buwan.

Maaaring mas maramdaman ang bawas-singil kung magiging mas matalino tayo sa paggamit ng kuryente.

Kahit maliit na hakbang lang, maaaring magdulot ng malaking epekto sa ating konsumo sa kuryente.

Para sa akin, naging epektibo talaga ang pagpapalit ng mga lumang aircon kasi nung gumamit na kami ng inverter, halos nangalahati ang aming konsumo.

Pero siyempre hindi naman lahat may ekstrang pondo para dito. Pero hindi ‘yan hadlang para mas makontrol natin ang konsumo dahil marami pa naman tayong pwedeng gawin.

Mga simpleng bagay lang na paulit-ulit nang sinasabi ng Meralco ang mga dapat nating gawin. Halimbawa na lang ang pagpatay ng ilaw at pagtanggal sa saksak ng mga appliances kapag hindi ginagamit.

Hangga’t maaari, gamitin natin ang natural na liwanag at bentilasyon. Buksan ang mga bintana sa umaga upang hindi na kailangang gumamit ng ilaw o bentilador.

Kung may extra na budget, pwede na rin namang mag-invest sa mga energy-efficient appliances. Kagaya nga ng naranasan ko, siguradong makikinabang din tayo rito lalo na kung gusto nating mapababa ang ating konsumo.

Iwasan ang paggamit ng mataas na wattage na mga appliances sa peak hours. Ang tamang timing ng paggamit ng washing machine, air conditioner, at iba pa ay makatutulong sa mas mababang demand charge.

Kung maglalaba, gawin ito nang maramihan para isang salang sa washing machine. Simple lang ‘yan pero kung isasabuhay natin, tayo rin naman ang makikinabang.

Bagama’t makatutulong sa atin ang bawas-singil ng Meralco, nasa ating mga kamay pa rin ang malaking bahagi ng pagkontrol sa ating konsumo. Sa bawat ilaw na ating pinapatay, sa bawat appliance na hindi naiiwang nakasaksak, at sa bawat pasensiyang ating pinaiiral, nakatutulong na rin para mabawasan ang ating mga alalahanin. At kung palagi naman natin gagawin, makakasanayan rin natin ito at magiging normal na lang sa atin ang pagiging matipid at masinop sa paggamit ng kuryente.

5

Related posts

Leave a Comment