(NI BERNARD TAGUINOD)
UMUSAD na ang panukalang batas na magbabalik sa parusang kamatayan para sa mga heinous crime offenders tulad ng mga drug lords, rapist at mamamatay tao sa Pilipinas.
Nitong Martes ay pormal nang sinimulan ng House committee on justice na pinamumunuan ni Rep. Vicente ‘Ching’ Veloso ang pagdinig sa mga panukalang batas na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Ayon kay House deputy speaker Ferdinand Hernandez, isa sa mga may akda sa nasabing panukala, nakababahala ang mga krimeng nangyayari ngayon sa bansa kaya hindi umano dapat manood lamang ang sambayanang Filipino lalo na ang mga mambabatas.
“It is not the ordinary Filipino that should fear his surroundings… It should be these very offenders who fear of committing heinous crimes because of the penalty of death,” ayon kay Hernandez.
Kasama rin sa may akda sa nasabing panukala ang kapatid ni Sen. Manny Pacquiao na si Sarangani Rep. Rogelio Pacquiao na nagsabing hindi ang mga ordinaryong mamamayan ang target ng death penalty kundi ang mga ‘big fish” lamang.
“The imposition of death penalty aims to target the big fish in the drug industry, the drug lord, the drug manufacturers and big time drug peddlers,” ani Pacquiao kung saan kasama umano sa mga nais nitong parusahan ng kamtayan ay ang mga rapist at mamamatay tao.
Gayunpaman, tinutulan ni Commission on Human Rights (CHR), sa pamamagitan ni Karen Dumpit, ang nasabing panukala dahil hindi umano ito sagot para makamit ng mga biktima ng krimen ang hustisya.
“The CHR supports this government in its campaign vs criminality. We do not want to go any crime go unpunished… But reintroducition of the death penalty is not the answer to rising criminality or to attain justice for all,” ani Dumpit.
Ang nasabing panukala ay nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa noong 17th Congress subalit hindi ito inaksyunan ng Senado kaya hindi naibalik ang parusang kamatayan sa bansa sa unang tatlong taon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kapangyarihan.
222