(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)
NAGTAAS ng alerto ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang State of National Energy Emergency.
Agad iniutos ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na higpitan ang seguridad sa mga power plant, substation, transmission line at maging sa mga gasolinahan sa buong bansa.
“Magpapanatili kami ng matatag na presensya… upang matiyak na walang magiging pagkaantala sa suplay,” ani Nartatez.
Nasa “heightened readiness” na ang kapulisan, may dagdag-puwersa sa mga kritikal na pasilidad para bantayan laban sa posibleng sabotahe o pananamantala.
Kasabay nito, nakaantabay ang AFP para rumesponde kung kakailanganin, lalo na sa proteksyon ng imprastraktura, transportasyon ng mahahalagang kalakal, at seguridad sa mga liblib na lugar.
Ayon kay AFP Spokesperson Francel Margareth Padilla, paiigtingin ang “whole-of-nation approach” para mapanatili ang pambansang katatagan.
Ang deklarasyon ng Pangulo ay bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan na nagbabanta sa global oil supply.
Tinukoy sa Executive Order ang pagsasara ng Strait of Hormuz, itinuturing na ‘critical energy corridor’ para sa global oil shipments, nagambala ang daloy ng petroleum products sa international markets at napigilan ang global fuel supply, na may kaakibat na implikasyon sa katatagan at kasapatan ng domestic energy supply.
Bilang isang net importer ng petroleum products, nananatili naman ang Pilipinas na ‘highly dependent’ sa external sources ng fuel supply, kaya’t ‘vulnerable’ sa disruptions sa global oil production at transportasyon.
Sa ilalim ng kautusan, maaaring pabilisin ang procurement ng fuel at magpatupad ng mga hakbang kontra hoarding, profiteering at manipulasyon sa suplay.
Suportado sa Kamara
Suportado naman ng House of Representatives ang deklarasyon ng energy emergency, ayon kay Speaker Faustino Dy III.
“The House will move with the same urgency… real relief for our people,” ani Dy.
Tinawag niyang “timely and necessary” ang hakbang ni Pangulong Marcos, sabay babala na kapag naputol ang suplay ng enerhiya—apektado hindi lang kuryente kundi transportasyon, pagkain at kabuhayan.
Nauna nang inaprubahan ng Kamara ang panukalang magbigay ng special powers sa Pangulo, kabilang ang posibleng pagsuspinde ng fuel excise tax.
“In moments like this, unity in government is essential,” giit ni Dy.
Pagkakataong Tumugon
Suportado rin ni Senador Erwin Tulfo ang deklarasyon ni Pangulong Marcos Jr. para tugunan ang mga isyu at problemang dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Sinabi ni Tulfo na magbibigay ito ng pagkakataon sa Pangulo para agarang gawin ang mga kinakailangang hakbang para matulungan ang ating mga kababayan na labis na apektado ng krisis.
Iginiit naman ni Senador Sherwin Gatchalian na ang deklarasyon ng Pangulo ay mahalagang hakbang upang makapaglunsad ang pamahalaan ng extraordinary measures upang bawasan ang impact ng kaguluhan sa buhay ng mga Pilipino.
Nangako naman si Gatchalian na patuloy na babalangkas ng mga legislative support para sa lahat ng hakbang na ipinatutupad ng gobyerno.
(Dagdag na ulat: TINA MENDOZA/DANG SAMSON-GARCIA)
67 