PAGBAGSAK NG WHO SA GITNA NG PANDEMYA

Sa Ganang Akin

SA gitna ng pandemya, tila lahat ng mata ay nagawang maitutok ni US President Donald Trump sa World Health Organization (WHO).

Maaaring isipin na naghahanap na lamang si Trump ng masisisi dahil sa biglaang paglobo ng bilang ng positibong kaso at bilang ng mga namamatay sanhi ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Estados Unidos. Nangunguna na kasi ang bansang US ngayon sa dami ng bilang nang nagpositibo sa coronavirus. Kung ang New York ay isang hiwalay na bansa, papangalawa ito sa taas ng bilang.

Sinisisi ni Trump ang WHO dahil hindi raw naging mabilis at maagap ang organisasyon sa pagkuha at pagbibigay ng mga kinakailangang impormasyon sa paglaban sa COVID-19. Bunsod nito ay nagbitaw si Trump ng matinding desisyon na pansamantalang ihihinto ang pagbibigay ng pondo sa WHO sa loob ng 60 hanggang 90 na araw.

Ang matapang na hakbang na ito ni Trump ay umani rin ng pagbatikos mula sa kanyang mga nasasakupan, maging ilan sa mga pinuno ng kanyang lokal na pamahalaan. Batid nila na lalo raw malalagay sa alanganin ang buhay ng mga Amerikano dahil sa desisyon ni Trump.

Bilang pinuno ng organisasyon, si WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang siyang sumasalo ng lahat nang panunuligsa patungkol sa WHO. Malaki ang posibilidad na bumaba na ito sa puwesto upang mapigilan ang plano ni Trump na itigil pansamantala ang pagbibigay ng pondo sa organisasyon.

Napabalitang nakipagkita si Ghebreyesus kay China President Xi Jinping noong Enero dahil nais nitong purihin ang bansang China ukol sa kung paano nito hinarap ang COVID-19 kahit ang totoo ay tila napabayaan ng China ang pagpigil sa virus sa mga unang yugto pa lamang ng pagkalat nito. Ang nasabing pagkikita ng dalawa ay isang patunay sa malapit nilang ugnayan. Tila nagtatakipan kasi ang dalawa ukol sa usapin ng COVID-19. Ayon sa isang ulat sa South China Morning Post, tinanggap na lang basta ng WHO ang mga isinumiteng mga pigura ng China ukol sa COVID-19. Hindi na ito sinuri pa ng WHO.

Sa aking personal na pananaw, hindi ito ang tamang panahon upang maging makasarili. Hindi ito ang tamang panahon ng gumawa ng mga hakbang na mas lalong makapagpapalala ng sitwasyon ng mundo. Kung hindi na talaga maibabangon ng WHO ang kanilang kredibilidad, nakasalalay na sa mga gobyerno ng iba’t ibang bansa kung paano malulupig ang pandemyang ito. Ang mahalaga ngayon ay ang magtulungan at hindi ang magpagalingan. Kailangan magkaisa ng buong mundo upang sama-samang mapagtagumpayan ang pandemyang ito. JOE ZALDARRIAGA

 

189

Related posts

Leave a Comment