SISIMULAN na ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan party- list Rep. Mike Defensor ang paggisa sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaugnay ng katiwalian sa nasabing state insurance firm na nangyari ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang nabatid kay Defensor kaugnay ng pagdinig ng kanilang komite bukas, Miyerkoles, kung saan inimbitahan ng mga ito si PhilHealth anti-fraud legal officer Thorrsson Keith, na nag-resign dahil sa katiwalian na kinasasangkutan umano ng top officials ng ahensya.
“Mr. Keith should explain what these spillages are, what are the instances of corruption in the state health insurance firm, and who are the officials and personnel involved,” ani Defensor.
Bukod dito, kakalkalin na rin umano ang ibang katiwalian na nangyari sa PhilHealth tulad ng report ng Commission on Audit (COA) noong Agosto 2019 dahil sa hindi kapani-paniwalang pagdami ng pneumonia, urinary tract infection, acute gastroenteritis, sepsis, at iba pang sakit sa Rizal at Metro Manila kaya nawalan ng bilyun-bilyong piso ang state insurance firm.
Ayon sa mambabatas, may nangyayaring sistema sa PhilHealth na pinalalabas na malala ang sakit ng isang pasyente para mabayaran nang mas malaking halaga ang mga pagamutan.
May pagkakataon din aniya na kahit simpleng eye procedure ay pinalalabas na cataract operation para makasingil nang mas malaki ang mga doktor, hospital at clinics. (BERNARD TAGUINOD)
215
