MAAARI nang gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang special education fund (SEF) sa mga pangangailangan sa Department of Education’s Basic Education Learning Continuity Plan sa sandaling lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposed Bayanihan to Recover as One Act.
Bunsod ito ng probisyon na ipinanukala ni Senador Win Gatchalian upang pahintulutang gamitin ang SEF para sa distance learning.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, maaaring gamitin ng mga local government unit ang kanilang SEF para sa iba’t ibang paraan at kagamitan sa pagtuturo.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng online learning, pag-imprenta, at pamamahagi ng self-learning modules.
Maaari ring gamitin ang SEF para sa pagpapatayo ng mga handwashing stations at pagbili ng mga public health supplies, tulad ng sabon, alcohol, sanitizers, disinfectants, thermometers, face masks, at face shields.
Sa ilalim ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991, ang SEF ay nagmumula sa isang porsyentong buwis na pinapataw sa mga ari-arian.
Ang pondong ito ay ginagamit para sa pagpapatayo at pagkukumpini ng mga gusali sa paaralan.
Maaari ring gamitin ang SEF para sa pagbili ng mga kagamitan at mga aklat, pati na rin sa pananaliksik.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na bagama’t may mga lokal na pamahalaang gumagamit na ng kanilang SEF para sa distance learning, mahalagang magkaroon ang Bayanihan 2 ng malinaw na mandato para magamit ang naturang pondo para sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng pandemya. (DANG SAMSON-GARCIA)
