PAGHAHANDA SA PASUKAN: ONE MERALCO FOUNDATION, NAGHATID NG LIWANAG SA MGA PAARALAN SA MAUBAN, QUEZON

KATUWANG SA PAG-AARAL. Nagagamit na ng mga guro ng Cagsiay III National High School ang mga multimedia equipment para sa pagtuturo dahil sa solar electrification program ng One Meralco Foundation.

By Line JOEL O. AMONGO

Mas maliwanag na ang mga silid-aralan ng apat (4) na pampublikong paaralan sa Mauban, Quezon matapos ang isinagawang Solar Electrification Program ng One Meralco Foundation (OMF), ang corporate social development arm ng Manila Electric Company (Meralco) na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan.

Mahigit 450 na mag-aaral at higit 20 na guro at kawani mula sa Cagsiay III Elementary School, Cagsiay III National High School, Cagsiay III Elementary School-Annex, at Rosario Elementary School ang nakikinabang na sa mga bagong solar photovoltaic (PV) system na nagsisilsbing alternatibong pinagkukunan ng enerhiya.

Naging maytagumpay ang inisyatibang maghatid ng liwanag sa mga paaralang ito dahil sa pagtutulungan ng Meralco, OMF, Department of Energy (DOE), at Department of Education (DepEd).

HATID NA LIWANAG. Ikinabit ng MSpectrum, isang subsidiary ng Meralco, ang mga solar panel sa mga liblib na paaralan sa Mauban.

Malaking tulong para sa mga guro at estudyante ang pagkakaroon ng kuryente sa kanilang mga silid-aralan. Ayon kay Janine Galvan, teacher-in-charge ng Cagsiay III National High School, mas madali na nilang magagamit ang mga laptop, projector, at iba pang gamit para sa mga audio-visual presentation at multimedia learning na ginagamit sa paaralan. Nakakatulong ito para sa mga estudyante at guro na sabik sa matuto kahit na ilan sa kanila ay kinakailangan pang magbangka o maglakad ng mahigit isang oras mula sa kanilang mga tahanan.

Ngayong mayroon ng kuryente at internet, mas lumawak ang oportunidad ng mga estudyante na matuto sa tulong teknolohiya lalo na at mahalaga na ang pagkakaroon ng digital skills sa panahon ngayon. Bukod dito, mas napapahusay rin ang kalidad ng pagtuturo ng mga guro.

“Sa pagkakaroon ng kuryente, mas mae-expose na ang mga bata sa digital tools, mas magiging interaktibo at masaya ang kanilang pagkatuto, at higit sa lahat, magkakaroon sila ng mas matibay na kumpiyansa sa sarili. Kung dati ay limitado lang sa blackboard at papel ang kanilang karanasan, ngayon ay pwede na silang matutong gumamit ng computer, manood ng educational videos, at makilahok sa mga online learning platforms,” ani Galvan.

Mas ganadong lumahok sa klase ang mga batang mag-aaral ngayong mayroon ng telebisyon na nagagamit sa tulong ng solar power.

Kuwento naman ni Sherwin Calzo, isa sa mga guro sa Rosario Elementary School, makatutulong rin ang kuryente sa paaralan para makumbinsi ang mga mag-aaral na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral lalo na at karamihan sa mga magulang at bata ay mas pinipiling lumipat na lamang ng paaralan sa kawalan ng kuryente sa paaralan bago ang naturang proyekto.

Dahil din sa serbisyo ng kuryente, mas nakakapaghanda ng mga leksyon ang mga guro at hindi na kinakailangan pang bumiyahe ng malayo para sa mga training para sa kanilang professional development.

Higit pa sa tulong na hatid ng serbisyo ng kuryente sa araw-araw na klase\, nagsisilbing inspirasyon din sa mga mag-aaral ang kuryente para mangarap ng mataas. Para kay Galvan, nagsisilbi itong daan para matuklasan ng mga bata ang mundo sa labas ng pagiging mangingisda, magsasaka, o trabahador.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-prayoridad ang pagbibigay ng kuryente at internet sa mga paaralan, patuloy ang OMF at Meralco sa paghahatid ng liwanag lalo na sa mga nasa kanayunan.

Ayon kay Meralco Chief Operating Officer at OMF Trustee Engr. Ronnie L. Aperocho, itinuturing ng Meralco na pamumuhunan para sa kinabukasan ng bansa ang paghahatid ng ligtas, maaasahan, at sustainable na kuryente sa mga malalayong paaralang hindi kadalasan naaabot ng serbisyo.

“Sa pamamagitan ng solar power, binibigyan natin ng liwanag ang kinabukasan ng mga kabataang Pilipino. Sila ang maghahatid ng mas maliwanag na bukas para sa bansa,” aniya.

Para naman kay OMF President Jeffrey O. Tarayao, ang solar technology ay nagbibigay-liwanag hindi lamang sa mga paaralan kundi sa buong komunidad.

“Binibigyan natin ng pag-asa na lalo pang umunlad hindi lamang ang mga mag-aaral kundi ang buong komunidad sa pamamagitan ng school electrification,” ani Tarayao.

Mas maliwanag na simula para sa mga mag-aaral sa Mindanao

Bilang bahagi rin ng School Electrification Program ng OMF, marami pang mga miyembro ng akademya ang nakinabang sa mga ipinamimigay na multimedia equipment sa mga paaralang nasa malalayong lugar at hindi na sakop ng franchise area ng Meralco. Kabilang dito ang Gnanda B. Maguan IP School, Sitio Lanao Integrated School, at Akbual IP School sa Sarangani; Datu Manggong Elementary School, Blanga Elementary School, at Elem Elementary School sa Sultan Kudarat; at Kboyong Elementary School at Datal Ligaw Elementary School sa South Cotabato.

Ang Meralco Employees Fund for Charity, Inc. (MEFCI) ang nag-donate ng mga telebisyon at printer sa walong paaralan sa Rehiyon XII o mas kilala bilang SOCCSKSARGEN. Ginanap ang turnover ceremony sa DepEd Region XII Office, na dinaluhan nina (L-R) Regional Director Carlito D. Rocafort, Assistant Schools Division Superintendent Levi B. Butihen, mga pinuno ng paaralan, OMF President Tarayao, at CSR Program Manager Michael Del Rosario.

Sa ngayon nakatutulong ang mga kagamitang ito upang mapunan ang kakulangan sa learning resources at mas mapalawak ang paglahok ng mga mag-aaral sa klase. Binigyan din ng Lenovo Philippines ng mga laptop ang ilang benepisyaryong paaralan.

Sa kabuuan, nakapaghatid na ang OMF ng liwanag sa mahigit 300 pampublikong paaralan sa buong bansa, na kasalukuyang napapakinabangan ng higit 92,000 mag-aaral at 3,000 guro.

Brigada Eskwela 2025

Patuloy rin ang pakikiisa ng OMF sa taunang Brigada Eskwela ng DepEd na isinagawa noong Hunyo 9–13, 2025 sa iba’t-ibang pampublikong paaralan sa bansa. Layunin ng Brigada Eskwela na tiyakin ang kahandaan ng mga paaralan para sa pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng bayanihan.

Sa Angono Elementary School sa Rizal kung saan isinagawa ang kick-off activity, ininspeksyon ng mga volunteer linecrew ng Meralco ang mga pasilidad ng kuryente. Bahagi ito ng programang “Safe ang School Ko” ng OMF na namigay rin ng mga kagamitang panlinis para sa paaralan.

Nagsagawa ng tree trimming ang mga linecrew ng Meralco upang matiyak ang maayos na serbisyo ng kuryente sa mga paaralan.

Bukod pa sa Rizal, naghatid din ng tulong ang OMF sa mga paaralan sa Pasig, Las Piñas, Tondo, Sampaloc sa Maynila, Taytay, Cainta, Tagaytay, General Emilio Aguinaldo, at Indang.

Namahagi ng mga school at office supplies ang mga empleyado ng Meralco Tagaytay Business Center sa mga estudyante ng Tabora Elementary School sa Cavite.

Bukod sa Brigada Eskwela, inilunsad din ng OMF at mga empleyado ng Meralco ang Balik Eskwela campaign kung saan namahagi sila ng mga school kit para sa mga batang nasa kindergarten sa mga pampublikong paaralan.

Katuwang ng pamahalaan ang Meralco, sa pamamagitan ng OMF sa pagsusumikap para mabigyan ng maliwanag na kinabukasan ang mga batang Pilipino.

31

Related posts

Leave a Comment