DPA ni BERNARD TAGUINOD
NAGSIMULA kahapon, June 30 ng tanghali ang trabaho ng halal na mga opisyales ng pamahalaan mula konsehal ng bayan at siyudad, vice mayor, mayor, provincial board members, vice governor, governor, congressman at 12 senador.
Manunungkulan ang mga ito ng tatlong taon mula kahapon o hanggang sa tanghali ng June 30, 2028 at sa panahong iyon, may bago na tayong Pangulo ng Pilipinas na papalit kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sana magtrabaho ang mga ito para sa bayan at hindi para sa kanilang sarili at kaalyadong politiko lamang dahil utang na loob nila sa taumbayan kung bakit sila naluklok kahit pa nagbayad ang karamihan sa kanila lalo na sa local officials.
Karaniwan kasing nakalilimutan ng halal na mga opisyal ang kanilang sinumpaang tungkulin na magsilbi sa bayan kapag nakapuwesto na at hindi na sila malapitan ng mga tao samantalang noong eleksyon ay sila mismo ang pumupunta sa mga botante para hingin ang kanilang suporta at boto.
May halal na opisyal din na sadyang nagtatago sa mga tao kapag nahalal dahil katuwiran ay binayaran nila ang boto nila at saka lamang magpaparamdam muli kapag malapit na naman ang halalan. Nandyan ‘yung pinapasyalan nila ang bawat barangay para magparamdam kapag naghain na sila sa kanilang certificate of candidacy.
‘Yung iba naman, binabawi ang kanilang gastos kaya kung magpapagawa ng proyekto na gamit ang pera ng bayan ay hindi nagtatagal dahil mas malaki ang kinukupit nila sa pondo lalo na ‘yung malaki ang ginastos sa pambili ng boto.
Ang masaklap sa lahat, naglalagay sila ng karatula na pagawa ni mayor, governor at congressman ang proyekto na akala mo pera nila gayung maliwanag sa sikat ng araw na ang pondong ginagamit nila ay mula sa buwis ng bayan pero kinukupitan.
Maiksi lang ang tatlong taon kaya ‘yung mga bagong halal ay agad na mangangampanya ang mga iyan bilang paghahanda sa kanilang reelection habang ‘yung mga datihan at inaamag na sa puwesto ay magsisimula nang umamoy kung sino ang maaari nilang makalaban sa susunod na halalan.
Kasama iyan sa mga distraksyon sa trabaho ng local officials lalo na ang mga mayor kaya nakalilimutan nilang gampanan ang kanilang trabaho dahil sa maagang pamumulitika at ang lugi riyan ay ang mga tao.
Sana ang mga botante naman, kahit ‘yung mga nagbenta ng boto, bantayan ang mga ibinoto nila upang mabatid kung talaga bang nagsisilbi sila. Iboto silang muli sa susunod na halalan kapag nagtatrabaho talaga at kung hindi ay alam niyo na ang dapat gawin.
Ang mga congressman naman sana, hindi ang mauuwing proyekto sa kanilang distrito ang dapat nilang pagtuunan ng pansin kundi ang paggawa ng batas para sa kabutihan ng bansa at mamamayang Pilipino.
Sa mga senador naman, suklian niyo ang tiwalang ibinigay sa inyo ng mga tao. Hindi kayo iniluklok dyan para sa mas mataas na ambisyon n’yo kundi ang magsilbi kayo sa buong bayan at hindi sa isang tao lang!
