(NELSON S. BADILLA)
HANDANG ideklara ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang panalo ng botong “no” laban sa paghahati ng Palawan sa tatlong lalawigan.
Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si Director James Jimenez, batay sa “partial and unofficial results” ng plebesito nitong Sabado hanggang Linggo ay lamang ang boto ng tutol sa paghahati ng Palawan.
“There are some places sa Palawan na makikita na lamang ang ‘no’ sa boto”, banggit ni Jimenez kahapon sa panayam sa Dobol B TV.
Inilabas naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa Twitter niya na hanggang 3:40 ng hapon kahapon ay nakakuha ng 148,017 boto ang “no”, kumpara sa 96,012 ng botong “yes”.
Batay sa rekord ng Comelec, mayroong 490,369 rehistradong botante ang Palawan.
Ang plebesito sa Palawan ay resulta ng pagkakaroon ng Republic Act No. 11259 noong 2019 upang mahati sa Palawan del Norte, Palawan del Sur at Oriental Palawan ang lalawigan.
Ikinatuwa ng Comelec ang naganap na plebesito dahil walang dudang “nagtagumpay” ito.
Ito’y dahil maayos at matiwasay ang aktibidad kahit 49.76 porsiyento lamang mula sa 490,369 mga botante ang lumahok sa plebisito, dugtong ni Jimenez.
Idiniin din niya na maraming aral na natukoy at nakuha ang Comelec sa naganap na pampulitikang aktibidad na isinagawa kahit na maraming limitasyon dulot ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Anang opisyal, pag-aaralan nang mabuti ng Comelec ang mga natutunan nila rito upang magamit sa eleksyon sa Mayo 9, 2022 na buong bansa ang saklaw.
Mabilis namang naglabasan sa social media ang mga kasiyahan at pagbati sa tagumpay ng mga Palaweño dahil sa panalo ng tutol sa paghahati ng kanilang lalawigan.
Matatandaang bago maganap ang plebisito ay napakalakas ng masamang balita sa Palawan hinggil sa mga politikong gustong hatiin ang lalawigan dahil makikinabang sila sa mga bubuksang posisyon mula sa pagiging gobernador, bise-gobernador at iba pa ng tatlong lalawigan.
Mayroon ding hindi kumpirmadong balita na naglabas ng maraming pera ang ilang politiko at mga negosyante upang busugin umano ang mamamayan ng Palawan.
Ultimong People’s Republic of China ay ‘nakialam’ daw sa kampanya laban sa pananatili ng iisang lalawigan ng Palawan dahil napakalaki umano ng pakinabang nito sa plano.
