THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
HINDI maikakaila na napakahalaga ng access sa kuryente dahil isa itong pundamental na bahagi ng pang-araw-araw na buhay. Bagama’t hindi naman ito problema sa maraming bahagi ng bansa kagaya ng Metro Manila, marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi nabibigyan ng oportunidad na umunlad dahil sa kawalan o kakulangan ng serbisyo ng kuryente.
Isa kasi sa nakikitang pagsubok sa bansa ang pagiging archipelagic nito, at talagang maraming mga isla ang nakahiwalay o sadyang malayo kaya isang pagsubok ang pagsisigurong mayroon ding sapat at maaasahang kuryente ang mga nakatira sa pinakamalalayong lugar.
Pero siyempre, bahagi ng pangako ng pamahalaan ang masigurong makararating sa lahat ang maayos na serbisyo dahil nakatutulong talaga ito sa pagsigurong aabot sa lahat ang pag-unlad ng ekonomiya. Kung inklusibo ang naturang progreso, aangat din ang kalidad ng buhay ng lahat ng tao.
Lumabas sa balita kamakailan ang pahayag ni Department of Energy (DOE) Secretary Raphael Lotilla na kailangan ng nasa P100 bilyong pondo para makamit ang 100% na electrification sa buong bansa hanggang 2028. Tatlong taon na lang pero nananatili pa rin itong pagsubok. Bukod sa nasa liblib at malalayong lugar ang mga kabahayan, hindi rin madaling makapaglaan ng resources para rito. Ayon sa kalihim, nasa P2 hanggang P3 bilyon lamang ang pondong nakalaan para sa electrification.
Ayon sa kalihim, kailangang masusing talakayin ang mga hamon at paraan para maisakatuparan ang programa at gawin itong mas realistic. Nagsusumikap naman ang pamahalaan na makamit pa rin ang target, pero kakailanganin ng mas matinding suporta para dito.
Base sa datos ng DOE, nasa 92 hanggang 93 na porsyento ang electrification sa bansa at Mindanao ang may pinakamababang electrification rate na nasa 70 porsyento lamang.
Isa na nga sa tinitingnan ang microgrid systems pero mahigit 200 na lugar pa sa bansa ang nangangailangan nito.
Habang karamihan sa atin, hindi na pino-problema ang kuryente, marami pang mga Pilipino ang nakatira sa mga lugar na walang kuryente, o kaya naman mayroon nga pero hindi sapat o ‘di umaabot ng 24 oras ang serbisyo kada araw.
Isa sa aktibong katulong ng pamahalaan sa paghahatid liwanag sa pinakamalalayong komunidad ang One Meralco Foundation (OMF) na social development unit ng Meralco, isa sa pinakamalalaking distribyutor ng kuryente sa bansa.
Kamakailan lang, isang underserved community sa South Cotabato ang tinulungan ng OMF sa ilalim ng water electrification program nito na naglalayong bigyan ng access sa malinis at ligtas na suplay ng tubig ang mga residente sa pamamagitan ng solar power system.
Malinaw na malaki ang naging tulong ng paglalagay ng kuryente sa naturang pasilidad sa Barangay Guinsang-an. Bagama’t minsan, nawawalan ng serbisyo ng kuryente sa lugar, nakatulong ang proyekto ng OMF na hindi naman mawalan ng suplay ng tubig tuwing walang kuryente.
Isa lang ito sa napakaraming benepisyo kung lahat ng lugar sa bansa at lahat ng mga Pilipino ay magkakaroon ng sapat at maasahang serbisyo ng kuryente dahil importante ito sa iba’t ibang aspeto ng buhay.
Bagama’t may mga hakbang nang isinasagawa para mapabuti ang access sa kuryente sa mga malalayong komunidad, marami pang dapat gawin upang tiyakin na lahat ng Pilipino ay magkakaroon ng pagkakataon na maranasan ang benepisyo ng kuryente.
Ang patuloy na pag-innovate at pagtutulungan ng gobyerno, mga pribadong sektor, at mga komunidad ay susi upang matugunan ang isyung ito. Dapat pang mas paigtingin ang paggamit ng renewable energy sources tulad ng solar para mapalawak pa ang abot ng kuryente sa mga lugar na may limitadong access sa kuryente.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)