PAGIGING INA BILANG SUKATAN NG SAYSAY NG ISANG BABAE

Psychtalk

Naalala ko pa nang ginanap ang Miss Universe Beauty Pageant dito sa Pilipinas noong 1994. Nanalo si Bb. Sushmita Sen ng India hindi lang dahil sa taglay niyang kagandahan kundi sa palagay ko ay dahil sa ipinakita niyang katalinuhan. Ipinamalas niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng sagot na may saysay sa mga katanungan at sinabayan na rin ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili.

Maaaring inaasahan o pangkaraniwan ang sagot niya sa huling katanungan na siyang nagbigay sa kanya ng korona. Noong tinanong siya sa kung ano sa palagay niya ang “essence of a woman” walang pag-aalinlangan niyang tinuran na, “the origin of a child is a mother, and is a woman, and the woman is the one who shares love. It is the woman who shares and shows the man what love, caring, sharing, is all about, that is the essence of being a woman.”

Ang pagkapanalo ni Sushmita ay tila sukatan din ng pulso ng mundo sa panahon na iyon tungkol sa mas namamayaning kahulugan o katuturan ng pagiging babae ng mga kababaihan. Maaaring sabihing de-kahon, tipikal, play safe ang sagot at ito’y akmang-akma sa mas popular at kumbensiyonal na pananaw tungkol sa ganap na sukatan ng saysay ng isang babae.

Bagama’t sa patuloy na pag-inog ng mundo ay naipakita ng mga babae na marami silang kayang gawin bukod sa pagiging ina ng mga tahanan. Sa iba’t ibang larangan naipamalas na kaya ng mga babaeng makipagsabayan sa mga kalalakihan, kung hindi man kaya niyang humigit.

Magkagayunman, marami pa rin ang naniniwala na ang kaganapan ng pagiging babae ay ang pagiging ina. At sa halip na tignan ito bilang isang tungkulin na nagpapakita ng kahinaan, maaari ring isipin na sa katotohanan ito ay punum-puno ng kapangyarihan. Ayon nga sa isang kasabihan, “the hand that rocks the cradle, rule the world.”

At bilang pagkilala sa halaga ng katungkulan na iyan na iniatang ng lipunan o kalikasan sa babae, inilalaan ang isang araw kada buwan ng Mayo para bigyang pagpupugay ang mga ina sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Para sa mga kapwa ina, isang maagang pagbati ng mapagpalayang Araw ng mga Ina! (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

366

Related posts

Leave a Comment