PAGKAANTALA NG DISTRIBUSYON SA BALIKBAYAN BOXES SINASAMANTALA

 RAPIDO NI TULFO

SINASAMANTALA ng ilang manloloko ang pagkakaantala ng paglabas at distribusyon ng Kuwait balikbayan boxes na nakatengga pa rin sa Bureau of Customs magpahanggang ngayon.

Matatandaang naibigay na ng Customs sa Department of Migrant Workers (DMW) ang “Deed of Donation” na maglilipat ng responsibilidad sa mga kahon sa naturang ahensiya.

Pero nakapagtataka na wala pang inilalabas na anunsiyo ang DMW kung kailan at paano ang magiging sistema ng distribusyon ng mga kahon.

Sa aming panayam kay Asst. Comm. Jeff Maronilla sa aming programa sa DZME 1530khz kamakailan lamang, sinabi nito na bigo pa rin silang makausap ang sinoman sa DMW para sa turnover ng containers.

Ayon sa ilang OFWs na humihingi ng tulong sa amin, isang nagpakilalang Jonathan Fuentes ang kumontak sa kanila at sinabing kaya nitong ilabas ang mga kahon nila na nasa BOC.

Pero binago nito ang kanyang naunang sinabi at pinalabas na hawak daw di-umano ng Makati Express Cargo ang ilang mga kahon.

Ayon sa OFWs, sinabi raw nitong si Jonathan na walang bayad kung kukunin ng recipients ng kanilang mga kahon sa opisina ng cargo company. At kung sakaling ipade-deliver ito ay kinakailangan lang magbayad ng mahigit tatlong libong piso (P3,000) na “progressive tax” daw at libre na ang delivery.

Tinawagan din namin sa numerong ibinigay sa amin, ang nagpakilala na customer assistant daw ng Makati Express Cargo pero binabaan po ang inyong lingkod ng telepono matapos na magpakilala po ako dito.

Nagbibigay kami ng babala sa mga pamilya ng OFWs na naghihintay pa rin sa kanilang mga padala, na huwag basta maniniwala sa mga nagsasabi na hawak nila o makukuha nila ang inyong padala. Lalo na ‘yung mga naniningil dahil kung kasama po ang kahon ninyo sa mga nakatengga sa BOC, wala pong bayad ito kapag inilabas na.

Makabubuti naman kung masisimulan na ang distribusyon ng mga kahon sa lalong madaling panahon, para maiwasan na ang pagsakay ng mga gustong manloko sa isyung ito.

52

Related posts

Leave a Comment