PAGKAKAPANTAY-PANTAY SA LIPUNAN

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NGAYONG buwan ng Marso ipinagdiriwang ang International Women’s Month kung kailan mas napagtutuunan ng pansin ang mga kampanya at programa na nagbibigay ng natatanging pagpapahalaga sa lakas, tapang at galing ng kababaihan, at nagsusulong ng totoong pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.

Isa sa United Nations Sustainable Development Goals o UN SDGs ang pagkamit ng gender equality at pag-empower sa kababaihan. Sa ilalim nito, mayroon pang siyam na target at 14 na mga indicator na nakatutok sa pagtanggal ng gender disparity, pagmamalupit sa mga kababaihan, at sa maaga at pilit na pagpapakasal. Kasama na rin ang pagkakaroon ng pantay na partisipasyon at oportunidad at universal access sa sexual at reproductive rights.

Mahalaga ito sa pagkakamit ng isang sustainable at progresibong lipunan kung saan lahat ng tao — ano man ang kasarian o antas sa buhay ay nabibigyan ng parehong importansya at pagkakataon na magkaroon ng mas mabuti at maayos na buhay.

Nagsisilbi ang buwan ng Marso bilang panawagan na kumilos para isulong ang mga karapatan ng kababaihan at itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kasarian.

Sa Pilipinas, may mga kampanya ring kinikilala ang natatanging ambag ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan, mula sa politika, edukasyon, kalusugan, at negosyo, hanggang sa mga simpleng sakripisyo at pagmamahal sa pamilya at komunidad.

Hindi man masyadong napapansin ang diskriminasyon, mayroon pa ring mga aspeto ng lipunan at mga indibidwal na paniniwala na nagiging balakid sa tunay na pagkakapantay-pantay ng kasarian.

Kaya nagsisilbing pagkakataon ang paggunita ng International Women’s Month para pagtuunan ng pansin ang hindi pa natutugunang mga isyu ng diskriminasyon.

Maraming kababaihan, lalo na sa rural na mga lugar, ang madalas pa ring nahaharap sa mga hadlang na nagpapahina sa kanilang mga kakayahan—mula sa limitadong access sa edukasyon, hanggang sa hindi pantay-pantay na sahod at oportunidad sa trabaho.

Mahalaga ang diversity at inclusion sa pagtataguyod ng isang mas makatarungan at maunlad na lipunan. Importante rin ang pagkakaroon ng mga polisiya at sistemang sumusuporta sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian at tumatanggap sa pagkakaiba-iba ng bawat isa dahil makatutulong talaga ang mga ito para magkaroon ng isang inklusibong lipunan na may mataas na antas ng productivity.

Hindi dapat magsawa sa pagkakaroon ng diskusyon at mga programa para mas mapalawak pa ang kamalayan tungkol sa gender equality at ang kahalagahan ng diversity at inclusion. Sa pamamagitan ng edukasyon, maaaring mabago ang pananaw ng mga tao ukol sa kasarian at mga karapatan ng kababaihan.

Kailangan ding talagang ma-enforce ang mga umiiral na batas na nagpoprotekta sa kababaihan laban sa diskriminasyon at karahasan, at tiyaking ito ay naipatutupad nang buo. At siyempre, dapat alam din ito ng kababaihan.

Sa trabaho, importante ang pantay-pantay na pagkakataon na makakamit sa pamamagitan ng mga polisiya na magsisiguro ng patas na sahod at oportunidad sa lahat ng larangan, at pagkakaroon ng representasyon ng kababaihan sa mga posisyon ng pamumuno.

Marami pang pwedeng magawa ang pribadong sektor at mga organisasyon para itaguyod ang isang inklusibong kultura na may pagpapahalaga sa mga kababaihan, hindi lamang sa mga pormal na pagkakataon kundi pati na rin sa araw-araw na pakikisalamuha.

Hindi natatapos ang laban para sa karapatan ng kababaihan sa isang buwan lamang. Nagsisilbing mahalagang pundasyon ang ating mga hakbang, maliliit man o malalaki, para sa lipunan na may totoong pantay na oportunidad ang bawat isa na importante para makamit ang tunay na sustainable at inklusibong pag-unlad.

11

Related posts

Leave a Comment