INAABUSO NA PARTY-LIST SYSTEM

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA pagsusuri ng election watchdog na Kontra Daya, lagpas sa kalahati ng mga party-list organization na tumatakbo sa darating na May 12 election ang hindi kumakatawan sa mahihirap na sektor ng lipunan.

Ayon sa pag-aaral, nasa 55.13% o 86 ng 156 party-list groups na tumatakbo sa 2025 election ang hindi kumakatawan sa mahihirap.

Kwarentang party-list groups ay may kaugnayan sa political clans, 25 sa malalaking negosyo, 18 ang may koneksyon sa police o militar. Heto pa kagimbal-gimbal, may pito na may kasong korupsyon, may military connections, at kahina-hinala naman ang adbokasiya ng 11 party-lists.

Sa isang pahayag, binuksan ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero, ang pangangailangan na repasuhin ang Republic Act 7491 o ang Party-List System Act kasunod ng ibinunyag ng election watchdog. Kasama rin aniyang dapat suriin ang pagkakakilanlan sa mga sektor na kakatawanin sa Kongreso.

Sabi nga sa radyo, kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Lantaran na abuso sa sistema ng party-list. ‘Yan din minsan ang ginagawang ‘training ground’ ng mga kutong lupa o anak ng mga politiko na inihahanda nila para pumalit sa kanilang babakantehing posisyon sa sandaling grumadweyt sila o makatapos na ng tatlong magkakasunod na termino.

Sa party-list kumakapit ang mga politikong gustong manatili sa pwesto. Napapanahon na ang pagrepaso sa sistemang ito para mapangalagaan ang kapakanan ng mahihirap na sangkap ng lipunan, at tuluyang mahinto ang paggamit sa kanila ng mga makapangyarihan na hindi tunay na kumakatawan sa sektor.

o0o

Heto naman ang konting pampalubag-loob sa kumukulong dugo sa init ng panahon at mahal na bilihin.

Asahan ang malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo bukas.

Ikalawang sunod na pagkakataon ngayong buwan ang tapyas-presyo.

Ang gasolina ay posibleng pumalo sa P1.70 hanggang P1.90 kada litro habang 90 sentimo hanggang P1.10 kada litro ang inaasahang bawas-presyo sa diesel. Posibleng umabot ng P1.60 hanggang P1.80 kada litro ang tapyas sa kerosene.

Ang bawas-presyo ay dahil sa nadagdagang imbak ng commercial oils ng Estados Unidos.

Ang isa pang nakaimpluwensya ng rollback ay ang paglakas ng pera ng Pilipinas kontra US dollar.

Oops, baka hanggang magkasunod na bawas-presyo lang ito at kambyo muli ang ratsadang taas-halaga.

Pansamantala, magsaya muna sa dala ng pampapreskong balita.

Pero, eto may pampainit ng anit na nasusunog na sa temperatura.

Babala ng Energy Regulatory Commission: posibleng sumipa ang bayarin sa kuryente sa Abril.

Susme. Pasirko-sirko na lang ang mga bayarin at presyo ng serbisyo at bilihin.

Kung pwede nga lang dalhin na lang sa tumbling ang pagharap sa mabibigat na bayarin.

Daming nagmamahal, hindi mula sa puso kundi sa labis na gastos.

Teka, me ginagawa pala ang gobyerno para sa presyuhan.

Sisimulan na raw ipatupad ang maximum suggested retail price o MSRP sa karne ng baboy simula ngayong Lunes dahil sa mahal na presyo sa merkado.

Ayon sa Department of Agriculture, nagkaroon na ng kasunduan ang mga stakeholder ng hog industry na ibaba ang presyo ng karneng baboy sa merkado.

Ang maximum SRP ng liempo na P380 kada kilo at P350 kada kilo sa kasim at pigue.

Sa mga merkado sa NCR ipatutupad ang MSRP.

Teka, tingnan natin sa Easter Sunday kung buhay pa MSRP na ‘yan.

8

Related posts

Leave a Comment