NAGBABALA si Senador Sherwin Gatchalian na lalong magiging malaking problema sa daloy ng trapiko kung hindi pa matatapos ang pagkumpuni sa tulay sa Marilao Interchange bago ang Semana Santa.
Umapela si Gatchalian sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na agarang tapusin ang pagkukumpuni ng nasirang tulay na ilang araw nang nagdudulot ng matinding trapiko, lalo na tuwing rush hour.
Iginiit ng senador na hindi dapat abutin ng dalawa hanggang tatlong linggo ang pagkukumpuni.
Binigyang-diin ng senador na lalong magiging problema ang sitwasyon sa nalalapit na Semana Santa, kung kailan inaasahang dadagsa ang mga biyahero pauwi sa kanilang mga probinsya.
Hindi anya katanggap-tanggap na magbabayad ng mataas na toll ang mga motorista kung sa halip na mabilis at maginhawa ang biyahe, ang kinakaharap naman ay matinding perwisyo sa traffic.
“With Holy Week rapidly approaching, it is crucial that all expressway routes are promptly and thoroughly addressed to ensure a smooth, hassle-free journey for our kababayans who will be traveling for the holiday. Bakit pa magbabayad ng mataas na toll kung sa halip na maginhawa ang biyahe, ang kinakaharap naman ay matinding perwisyo sa traffic?” Giit ni Gatchalian.
(DANG SAMSON-GARCIA)
