BUNSOD ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19, nagpalabas ng kautusan at ordinansa ang pitong bayan sa lalawigan ng Laguna hinggil sa regulasyon na ipatutupad sa mga indibidwal na wala pang bakuna.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) 4-A, kabilang ang Biñan, Los Baños, Kalayaan, Mabitac, Magdalena, Pagsanjan at Pila sa naglabas ng mga panuntunan hinggil sa paglilimita sa paglabas ng mga hindi pa bakunado upang maiwasan ang nakahahawang sakit.
Samantala, nagpalabas naman ng anunsiyo ang Department of Education (DepEd) hinggil sa pagsuspinde ng klase sa lahat ng antas ng face to face o online classes sa rehiyon ng Calabarzon mula Enero 17 hanggang 29 dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa pinakahuling ulat na inilabas ng Department of Health 4-A noong Enero 13, naitala ang 3,677 bagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Pumalo naman sa 19,130 ang aktibong kaso habang 7 ang mga namatay.
Nakapagtala ng 9,807 active cases sa Cavite, sunod ang Laguna na may 4,644; Rizal, 1,922; Batangas, 1920; Quezon, 725, at Lucena City, 112. (CYRILL QUILO)
204
