MAHIGPIT na ipinag-utos ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na linisin at tanggalin ang lahat ng obstruction sa ilalim ng flyover sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Inabutan kasi ni Abalos sa ginawa nitong pag-inspeksyon ang naka-park na mga sasakyan.
Dahil dito, pinatatanggal ni Abalos at pinati-tiketan ang mga magtatangkang magparada sa nasabing lugar.
Naabutan din ni Abalos ang mga lumang sasakyan na tila ginawang tirahan na ang bahagi ng nasabing highway.
Sa katunayan, may isang lalaki ang umamin na may 8 buwan na siyang natutulog doon dahil walang matuluyan.
Bukod sa ginawang tulugan at bahay ang ilalim ng flyover ay ginawa ring comfort room ang naturang lugar.
Sa kabilang dako, ipinag-utos din ni Abalos ang paglilipat ng concrete barriers na nakatambak lang sa ilalim ng flyover.
Makikipag-ugnayan din ang MMDA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makauwi sa probinsiya ang mga magkakamag-anak na naninirahan sa ilalim ng mga flyover. (CHRISTIAN DALE)
