UPANG magkaroon ng moral authority ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa dalawang impeachment case na umano’y nakatakdang ihain laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, nanawagan si Navotas Rep. Toby Tiangco na linisin muna ng mga kongresista ang kanilang hanay.
Ito ay matapos punahin ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang pahayag ni Tiangco na dapat unahin munang panagutin si dating congressman Zaldy Co at ang mga kasabwat nito sa umano’y anomalya sa flood control projects bago harapin ang ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte.
“Manalamin muna kami bago kami humusga ng iba. How can the defenders of Martin Romualdez and Zaldy Co possess the moral authority kung kasama sila sa katiwalian o ayaw man lang nilang magsalita tungkol sa katiwalian dati sa House? Hindi ba’t ang dami pa ring tumatawag sa amin na House of Crocodiles?” ani Tiangco.
Dagdag pa niya, suportado niya ang pananagutan, ngunit hindi dapat maging ipokrito ang mga mambabatas. “I am totally for accountability. Pero huwag naman tayong maging ipokrito, at lalong huwag magbato ng putik sa iba para magmukhang malinis. Manalamin muna bago punahin ang iba,” aniya.
Nilinaw ni Tiangco na hindi siya nagtatakda ng anomang kondisyon bago makilahok sa pagsusuri ng anomang impeachment complaint na ihahain sa Kamara laban kina Marcos at Duterte.
Aniya, layunin lamang niyang matiyak na mapapanagot ang lahat ng sangkot sa tinawag na pinakamalawak na katiwalian sa kasaysayan ng bansa.
“I’ve been very clear from the start. No one is exempt from accountability. Panagutin natin ang dapat panagutin. Kaya nga nananawagan kami na huwag kalimutan ang isyu ng maanomalyang pagbebenta ng insertions sa 2023 hanggang 2025 budget at ang flood control scam,” pahayag pa ng mambabatas.
Batay sa mga ulat, tinatayang aabot sa P1.4 trilyon ang halagang sangkot sa mga flood control projects noong 2023, na mas lantad lamang na nabunyag noong nakaraang taon.
“Hindi ba’t may mga nagsasabi, bakit ang nagnakaw ng bigas at sardinas ay kulong agad, pero may due process kapag milyon ang ninakaw? Gamit ang parehong analohiya, bakit ang trilyong anomalya noong panahon ni dating Speaker Martin Romualdez at House Appropriations Chairman Zaldy Co ay tila walang nagsasalita, pero sa P140 milyon ay grabe ang ingay?” ayon pa kay Tiangco.
Ipinahayag din ni Tiangco ang kanyang pagkadismaya sa kasalukuyang liderato ng Kamara. Aniya, mula nang palitan ni Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III si Romualdez bilang Speaker, tanging ang dating liderato lamang ang napalitan at nanatili sa kani-kanilang puwesto ang karamihan sa mga opisyal.
Ipinagtataka rin niya ang katahimikan ng majority congressmen hinggil sa isyu ng katiwalian sa flood control projects, habang aniya’y napakaingay ng mga ito pagdating sa mga isyu laban kay Vice President Duterte.
“Bakit mas maingay ang marami laban kay VP Sara, pero tahimik o hindi kasing-ingay pagdating kina Martin Romualdez at Zaldy Co? Pati ang mga sangkot sa anomalya sa House ay nakapirma pa sa nakaraang impeachment complaint. Kapag sinabing accountability, kasama kaming mga kongresista rito. Alam ng mga kapwa ko kongresista ang mga nangyayari sa House, pero bakit ayaw nilang magsalita?” giit ni Tiangco.
Dagdag pa niya, mayroon nang mga reklamong inihain laban sa Bise Presidente sa Office of the Ombudsman at wala umanong hadlang kung may nais maghain ng impeachment complaint.
Gayunman, iginiit niyang dapat munang magsalita ang mga mambabatas tungkol sa mga katiwaliang alam nila upang mapanagot ang mga tinawag niyang “big fish,” partikular si Zaldy Co na umano’y utak sa pagbebenta ng mga alokasyon at proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2023 hanggang 2025 General Appropriations Act (GAA) at ng flood control scam.
“Hindi sapat na ang mga maliliit na isda lang ang makulong,” pagtatapos ni Tiangco.
(BERNARD TAGUINOD)
2
