BAHAGI ng paghahanda ng Pilipinas sa nalalapit na 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang paglilinis sa mga urban poor communities at pag-aalis sa mga street vendors sa ilang lugar sa Metro Manila, ayon sa Malacañang.
Sa press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi isinasagawa ang paglilinis upang itago sa mga delegado ng ASEAN ang kalagayan ng mga komunidad, kundi bahagi ito ng pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa Metro Manila.
Ayon kay Castro, patuloy ang paglilinis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pampublikong lugar at hindi lamang pamahalaan kundi maging ang mamamayan ay may responsibilidad na panatilihing malinis ang kapaligiran.
Ipinaliwanag din niya na ang paglilinis at pagsasaayos sa mga lugar na dinaraanan ng mga delegado ay may kinalaman sa seguridad, dahil inaasahang dadalo sa summit ang halos 20 pinuno ng mga bansa.
Binigyang-diin ni Castro na nakatuon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang administrasyon sa pagkumpleto ng mga paghahanda upang matiyak ang maayos at ligtas na pagho-host ng Pilipinas sa naturang pagtitipon.
Bukod sa pagpapakita ng kahandaan ng bansa sa pagbibigay ng seguridad sa mga dadalong lider, layunin din aniya na maipamalas ang kilalang Pinoy hospitality at ang sipag at malasakit ng mga Pilipino.
Tiniyak din ng Malacañang na magbubukas ng maraming oportunidad para sa mamamayan ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit, partikular sa negosyo, kalakalan, pamumuhunan, trabaho, at pagpapatatag ng suplay ng pagkain at enerhiya.
Ayon kay Castro, hindi lamang pagpapakita ng kahandaan ng bansa sa international community ang mahalaga sa summit kundi ang mga positibong benepisyong maidudulot nito sa bawat Pilipino.
Nakatakdang pangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang inspeksyon sa mga paghahanda para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits ngayong hapon.
Iginiit ni Castro na dapat pagtuunan ng pansin ang mga oportunidad at positibong epekto ng pagho-host ng Pilipinas sa summit sa halip na haluan ito ng pamumulitika.
(CHRISTIAN DALE)
96 