INIUTOS ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong cyber libel laban kina Atty. Ferdinand Topacio, broadcaster na si Jay Sonza at apat na iba pa kaugnay ng umano’y mga social media post na nag-aakusa kay Senator Risa Hontiveros.
Hinggil ito sa umano’y panunuhol, pamumuwersa at pagtuturo ng testimonya ng senadora sa isang dating testigo sa imbestigasyon ng Senado laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Bukod kay Topacio, kabilang sa mga respondent sina vloggers Byron “Banat By” Cristobal, Jeffrey Celiz, Krizette Chu at Alex “Tio Moreno” Destor.
Nag-ugat ang reklamo sa viral video ni Michael Maurilio, kung saan binawi nito ang nauna niyang mga pahayag.
Inakusahan din niya si Hontiveros at ang kanyang tanggapan na nagturo at nagbayad umano sa kanya upang gumawa ng testimonya.
Ayon sa reklamo, ibinahagi o pinalaganap ng anim na respondent ang naturang mga alegasyon sa kani-kanilang social media platforms.
Binaligtad ng DOJ ang nauna nitong desisyon na ibasura ang reklamo at iniutos ang pagsasampa ng cyberlibel charges laban sa mga ito matapos makakita ng sapat na batayan para sampahan sila ng kaso.
(JULIET PACOT)
137 