PAGPAPALIBAN NG 2028 BSKE TINUTULAN NI LEONEN

TUMUTOL si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen sa pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2028 at nanawagan sa Korte Suprema na higit na pangalagaan ang karapatan ng mamamayan na bumoto.

Sa kanyang concurring and dissenting opinion, hinimok ni Leonen ang Korte na bigyang-halaga ang karapatang bumoto bilang isang pangunahing karapatan ng mamamayan.

“I urge this Court to do better and protect the sacred fundamental covenant of suffrage. We owe the people that much,” pahayag ni Leonen.

Nilinaw naman ng mahistrado na hindi niya tinututulan ang pagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan. Ang kanyang pagtutol ay nakatuon sa pagpapaliban ng halalan at pagpapatupad ng bagong termino sa mga kasalukuyang nakaupo.

“The elections should continue as scheduled. The new five-year term of office should apply to the next elected officials, not the incumbents,” giit niya.

Ibig sabihin, ayon kay Leonen, dapat na matuloy ang halalan sa orihinal na iskedyul at sa mga susunod na mahahalal lamang ipatupad ang limang taong termino, sa halip na ilapat ito sa mga kasalukuyang opisyal.

Gayunman, pinagtibay ng mayorya ng SC ang constitutionality ng Republic Act No. 12326 sa desisyong isinulat ni noo’y Associate Justice at ngayo’y Chief Justice Rodil Zalameda.

Ayon sa mayorya, pangunahing layunin ng batas ang pagtatakda ng haba ng termino ng mga opisyal ng barangay at SK, kung saan bahagi ng pagpapatupad nito ang pagtatakda sa Nobyembre 2028 ng susunod na halalan.

Umiiral ang desisyon ng mayorya ng Korte Suprema, habang hiwalay na opinyon lamang ang pagtutol ni Leonen.

(JULIET PACOT)

42

Related posts

Leave a Comment