IGINIIT ni Senador Risa Hontiveros na dapat personal na humarap si Vice President Sara Duterte sa plenary deliberations ng Senado para sa panukalang 2027 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Ito ay matapos hindi dumalo ang Bise Presidente sa pagtalakay ng panukalang budget ng kanyang tanggapan sa committee level ng Senado.
Ngayong linggo nakatakdang simulan ng mga senador ang plenary deliberations sa panukalang P7.2-trillion national budget para sa 2027.
Ayon kay Hontiveros, inaasahan nilang dadalo ang mga pinuno ng bawat ahensya ng pamahalaan sa pagtalakay ng kani-kanilang budget, alinsunod din sa naunang pahayag ni Senate President Sherwin Gatchalian.
“I expect her (VP Sara) to appear. Binanggit na ‘yun ni Senate President Sherwin (Gatchalian) nung committee hearing na ine-expect namin na andun head of agency,” pahayag ni Hontiveros.
Tiniyak naman ng senador na hindi magiging hadlang ang anomang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga senador at ni Duterte sakaling dumalo ito sa deliberasyon, dahil aniya, mga propesyonal at may sapat na gulang ang mga miyembro ng Senado.
Hindi naman matiyak ni Hontiveros kung gaano katagal tatalakayin sa budget deliberations ang mga alegasyon ng iregular na paggamit ng confidential funds ng OVP sa mga nakalipas na taon.
Gayunman, sinabi niyang kung hindi man makuha sa proseso ng budget deliberations ang paliwanag ng Bise Presidente hinggil sa isyu, mayroon pang ibang legal na prosesong maaaring pagdaanan upang masagot ang mga katanungan tungkol dito.
(DANG SAMSON-GARCIA)
240 