NANAWAGAN si legal advocate Atty. Ariel Inton sa Kongreso na repasuhin at amyendahan ang Republic Act No. 10172 upang alisin ang mga itinuturing niyang hindi makatwirang requirement sa pagtatama ng gender entry sa birth certificate.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Inton ang pagkakaiba ng correction o pagtatama ng clerical at typographical error sa birth certificate at change of gender o pagpapalit ng kasarian.
Sa ilalim ng RA 10172, pinahihintulutan ang Municipal o City Civil Registrar na magwasto ng ilang pagkakamali sa birth certificate, kabilang ang maling baybay ng pangalan, araw o buwan ng kapanganakan, at gender entry, nang hindi na kailangang dumaan sa mahabang proseso sa korte.
Gayunman, kinuwestiyon ni Inton ang requirement na magsumite ang petitioner ng medical certificate mula sa accredited government physician na nagpapatunay na hindi ito sumailalim sa sex change.
Ayon sa abogado, hindi makatarungang obligahin ang lahat ng aplikante na kumuha ng naturang sertipiko, lalo na kung may sapat nang ebidensiya upang patunayan ang tunay nilang kasarian.
“Bakit kailangan pa ng medical certificate kung halimbawa ay nanganak na ng tatlong beses ang petitioner at malinaw naman na babae siya?” giit ni Inton.
Sinabi rin niya na bago ipatupad ang RA 10172, dinadala sa korte ang mga naturang petisyon, kung saan maaaring ibatay ng hukom ang desisyon sa prinsipyong “visible to the eyes and obvious to the understanding” kung malinaw naman ang tunay na kasarian ng aplikante.
Nilinaw ni Inton na ang kasalukuyang batas ay nakatuon lamang sa pagwawasto ng clerical at typographical errors at hindi sumasaklaw sa mga indibidwal na sumailalim sa sex reassignment.
Binanggit din niya ang mga nakabinbing panukalang batas sa Kongreso na naglalayong tugunan ang mga usapin sa pagkakakilanlang pangkasarian.
Kabilang dito ang House Bill No. 5474 o Cagandahan Law, na naglalayong payagan ang mga intersex Filipino na baguhin ang kanilang gender marker at pangalan sa pamamagitan ng administrative process.
Nariyan din ang House Bill No. 9929 o Sharmaine Bill, na naglalayong bigyang-daan ang transgender, intersex at non-binary Filipinos na i-update ang kanilang mga opisyal na dokumento upang maipakita ang kanilang gender identity.
Habang hindi pa naipapasa ang mga panukalang batas, iginiit ni Inton na hindi dapat pahirapan ang mga mamamayang simpleng pagkakamali lamang sa kanilang birth certificate ang nais itama.
“Magkaiba ang correction sa change. Sana ay mabago ang batas—hindi na dapat kailanganin ang medical certificate kung halata at malinaw naman ang tunay na kasarian ng tao o kung may iba namang sapat na ebidensya na nagpapatunay nito,” ani Inton.
105 