DUDA si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap na ginamit ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica ang mga mambabatas para pagtakpan ang kasong katiwalian na isinampa laban sa kanya ng mga empleyado ng Duty Free Philippines Corporation (DFPC).
Bago aniya lumutang ang alegasyon na may mga kongresistang sangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay kinuwestiyon ni Yap si Belgica sa katiwalian na idinulog ng mga empleyado ng DFPC.
“Alam ko naman po kung saan nanggagaling yung galit sa akin ni Commissioner Greco Belgica. Kasi kung matatandaan noong October 29 sa isang radio interview, nasabi ko dito na nagsimula lang naman lumabas yung sinasabi niyang corrupt na congressman na involved sa DPWH nung lumabas yung isyu niya tungkol sa Duty Free Philippines,” ani Yap.
Ang kaso ay may kaugnayan sa paghingi umano ni Belgica ng P130,000 sa mga nagrereklamong empleyado ng DFPC noong 2017 na pinangakuan niya ng free legal assistance subalit walang nangyari sa kaso.
“Kung titignan mo nice move. Bakit? Mas interesting eh. Ang congressman napakarami so ili-link mo sa corruption kahit walang proper evidence eh mas maganda nga naman talaga yun kaysa sa isang PACC commissioner na kinasuhan ng graft and corruption di ba?” ani Yap.
Itinanggi ng mambabatas na nakialam siya sa bidding ng mga proyekto sa Benguet dahil noong italaga ito bilang caretaker ng nasabing lalawigan noong Enero 2020 ay tapos na aniya ang mga bidding.
Kaugnay nito, hinamon ni House committee on good government and public accountability chairman Michael Edgar Aglipay si Belgica na maghain ng kaso laban sa mga congressman na isinabit nito sa katiwalian sa DPWH.
“Dalawa ang puwede niyang i-file…yung (sa) Ombudsman o yung…sa Committee on Ethics mag-file siya,” ani Aglipay kung mayroon aniyang sapat na ebidensya si Belgica laban sa walong inakusahang mambabatas.
Kabilang sa mga mambabatas na isinasangkot ni Belgica sa katiwalian sa DPWH sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Sato, Former Ifugao Rep. Teodoro Baguilat Jr., Quezon City 5th District Rep. Alfredo Paolo Vargas, Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal; Isabela 4th District Rep. Alyssa Sheena P. Tan; Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza; Quezon 4th District Rep. Angelina Helen Tan, ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap at Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman.
Unang nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang ebidensya laban sa mga nabanggit na mambabatas kaya dapat umanong maghain na lamang si Belgica ng kaso.
“Its very unfortunate na kami lahat ay nadamay. So ang tingin ko dito sa mga kasamahan naming walo na ito na sana they undergo due process and proper forum para ma-clear sila, ma-clear din ang buong kongreso,” ayon pa kay Aglipay. (BERNARD TAGUINOD)
