TARGET ni KA REX CAYANONG
ANG pagtalakay sa badyet ay hindi lamang tungkol sa mga numero. Ito ay tungkol sa kung paano ginagamit ang pondo ng bayan at kung sino ang tunay na nakikinabang dito.
Sa budget interpellations, kabilang sa mga isyung binigyang-pansin ni PHILRECA Party-List Rep. Presley De Jesus ang flagship 4PH Program ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD. Mahalagang pagtuunan ng pansin ang 4PH dahil nakasalalay rito ang pabahay ng maraming pamilyang nangangailangan ng ligtas at abot-kayang tirahan.
Ayon sa datos na inilahad, nasa 11,700 subsidized units na ang naitala sa programa. Sa Pag-IBIG Fund naman, iniulat ang 97 percent collection efficiency.
Nangangahulugan ito na maliit na bahagi lamang ng mga benepisyaryo ang kasalukuyang nasa default. Gayunman, mahalagang matiyak na may makatarungang solusyon para sa mga pamilyang nahihirapang magpatuloy sa kanilang amortization. May dalawang buwang grace period bago palitan ang mga nagde-default na pamilya, habang pinag-aaralan din ang alternatibong pabahay gaya ng NHA rental housing.
Hindi dapat matapos sa turnover ng bahay ang responsibilidad ng pamahalaan. Kailangan ding tiyakin ang maayos na maintenance, insurance at pangmatagalang pamamahala sa mga housing project. Iniulat na P74 milyon ang inilaan para sa maintenance, fire insurance at mortgage insurance, at kasalukuyan itong nakikinabang sa 70 porsiyento ng mga proyekto.
Mahalaga rin ang rental housing, lalo na para sa mga pamilyang nagmumula sa danger zones, informal settlements at mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Nasa humigit-kumulang 5,000 rental housing units ang ginagawa, na inaasahang may turnovers sa unang quarter ng susunod na taon. Hindi rin dapat makalimutan ang Community Mortgage Program ng SHFC, na sumasaklaw sa tinatayang 8,000 pamilya sa mga bago at pinahusay na proyekto. Mahalaga ang ganitong programa dahil hindi lamang bahay ang kailangan ng isang pamilya. Kailangan din nito ng maayos na lupa, kuryente, tubig at iba pang pangunahing serbisyo.
Sa usapin naman ng pamamahala, iniulat ng DHSUD leadership na ganap nang na-divest ni Secretary Jose Ramon Aliling ang kanyang private business interests bilang pagsunod sa government regulations.
Aba’y sa huli, ang pinakamahalagang sukatan ng anomang housing program ay hindi lamang dami ng naipatayong unit kundi kung ligtas, maayos, abot-kaya at napapanatili ang mga tahanang napupunta sa mga Pilipino.
204 