PAGSAMA NI ATTY. MIKE POA SA LEGAL TEAM NI VP SARA, TAKTIKA PARA HINDI ITO TUMESTIGO SA IMPEACHMENT?

POSIBLENG taktika umano ng kampo ni Vice President Sara Duterte-Carpio na isama sa kanyang legal team ang kanyang dating spokesperson na si Atty. Michael Poa para hindi ito magamit ng prosecution team na tumestigo laban sa kanya.

Sa press conference kahapon, hindi na ikinagulat nina House Assistant Majority Leader Jude Acidre at Taguig representative Amparo Maria Zamora na kasama na sa legal team ni VP Duterte si Poa dahil matagal na rin umanong kasama ito ng pangalawang pangulo.

“Its not new to us. Alam naman natin na si Atty. Mike ay matagal nang part ng official family (ng Duterte),” punto ni Zamora.

Subalit ayon kay Acidre, malamang na sinadya ng kampo ng mga Duterte na isama si Poa sa legal team ng pangalawang pangulo dahil marami itong alam na maaaring magamit laban kay Duterte-Carpio sa impeachment trial.

“Nakikita natin na isa na namang attempt to deflect. Pagpigil ito para kay Mike Poa na tumestigo sa impeachment court at magsabi ng totoo,” wika ng mambabatas.

Magugunita na nagbitiw si Poa bilang chief-of-staff at tagapagsalita ng Office of the Vice President (OVP) sa gitna ng imbestigasyon ng Kamara sa paglustay umano ni VP Duterte sa kanyang confidential funds.

Bago naging spokesman ng OVP ang abogado, dato siyang undersecretary at spokesperson ng Department of Education (DepEd) noong pinamumunuan ang nasabing ahensya ng pangalawang pangulo mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2024.

Ang pagbitiw ni Poa ay kasunod ng pag-amin nito na siya ang humingi ng sertipikasyon sa Armed Force of the Philippine (AFP) para sa kanilang kanilang youth leadership summit (YLS) na isinumite sa Commission on Audit (CoA), na kung saan nagamit ang ₱15 milyon na bahagi ng confidential funds ng nasabing ahensya.

“Titingnan natin kung ano ang mangingibabaw sa puso ni Atty. Mike . . . kung ang bayan o pulitika,” ani Acidre. (PRIMITIVO MAKILING)

1

Related posts

Leave a Comment