NANINIWALA si Presidential Communications Secretary Jay Ruiz na kabilang ang balasahan sa kanilang tanggapan sa mga motibo ng paglabas ng P200-M PCSO deal controversy laban sa kanya.
“So, ngayon nakapagtataka naman na ngayong gumagawa tayo ng mga reporma, na ngayon gumagawa tayo ng mga pagbabago. On my 8th day ha, 8th day may ganito nang istoryang lumalabas.
Ano ito demolition job? Fake news ba ito? Ano ang dahilan?,” buwelta ni Ruiz.
“Siguro dalawa/tatlo. Mayroon kasing mga mangyayari dito na kinakailangan kong gawin. Mayroong balasahan na mangyayari, may mga… ang utos ng Executive Secretary – lahat, from Director up, kailangan magsumite ng courtesy resignations. I don’t know kung bakit… I don’t know—mayroon akong slight na siguro kung bakit nila ginagawa ito, ano,” aniya pa.
Mariing pinabulaanan ng kalihim ang paratang na nakasungkit siya ng P206-million deal sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa pag-ere ng lotto draws sa state-run IBC 13.
Sa isang panayam, sinabi ni Ruiz na nagsilbi lamang siyang “authorized representative” para sa Digital 8 Inc. sa panahon ng negosasyon ng P206-million deal.
Aniya, nangyari ang kasunduan bago pa ang kanyang appointment bilang hepe ng PCO.
Dismayado rin si Ruiz sa itinuturing niyang ‘demolition job’ laban sa kanya dahil apektado ang kanyang pamilya partikular na ang kanyang mga anak dahil hindi man lamang nakuha ang kanyang panig sa usaping ito. (CHRISTIAN DALE)
