SINIMULAN nang tutukan ng PNP-National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang mga hangganan papasok at palabras ng Metro Manila matapos na ibalik sa ilalim ng Alert Level 3 ang buong Kalakhang Maynila nang muling tumaas ang naitalang COVID cases kasunod ng holiday season.
Una nang inatasan nina PNP-NCRPO Director Police Major Vicente Danao at PNP Task Force COVID Shield P/Lt. Gen. Dickson, Deputy Chief for Operation, ang kanilang mga tauhan na pag-aralan ang gagawing implementasyon sa mas pinahigpit na public health and safety restriction.
Nabatid pa na pumayag na rin ang Metro Manila Mayors na higpitan ang mobility (pagkilos) ng unvaccinated persons bunsod ng tumataas na bilang ng COVID-19 infections sa capital region.
Nagkasundo ang mga alkalde ng Mega Manila sa pagpapairal ng stay-at-home policy para sa mga hindi bakunado o hindi pa nakakakumpleto ng kanilang full dose vaccine, oras na malagdaan ang binalangkas na resolusyon.
Hindi rin papayagan ang mga menor de edad na lumabas ng kanilang bahay maliban lamang kung bibili ng pagkain o essential goods and services o papasok sa trabaho.
Kaugnay nito, inihayag na maghihigpit ang mga awtoridad sa paghahanap ng proof of vaccination. Kailangang iprisinta ang vaccination cards at iba pang ID kapag nasa public places gaya ng restaurants, malls at iba pang establisimyento.
Kaugnay nito, binabantayan din ng national government ang sitwasyon sa iba’t ibang kalapit na probinsya ng National Capital Region (NCR)
para sa posibleng restrictions na ipatutupad makalipas na inilagay muli ang Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 3.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon ngayon sa Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan na dati ay nakapaloob sa tinatawag na “NCR-Plus Bubble”.
Sa ngayon ay kumukuha na ng mahahalagang datos ang Department of Health sa naturang mga probinsya upang sa gayon ay magkaroon din sila ng malinaw na basehan kung kamusta na ang mga lugar na ito.
Kamakailan lang ay inanunsyo ng national government na ilagay sa mas istrikto na Alert Level 3 ang Metro Manila simula kahapon, Enero 3
hanggang 15, 2022 sa harap ng “exponential” spike ng COVID-19 cases sa rehiyon matapos ang yuletide season.
Ayon sa OCTA Research group, nasa high-risk ng COVID-19 transmission ang Metro Manila dahil tumaas pa lalo ang positivity rate nito. (JESSE KABEL)
