PAGSISIYASAT SA PAGDAGSA NG MGA TSINO SA BANSA IPINANAWAGAN NI CONG. ERWIN TULFO

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA harap ng kontrobersyal na isyu ng pagdagsa ng Chinese nationals sa Pilipinas, isang mahalagang hakbang ang isinulong ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo.

Ipinanawagan niya ang masusing pagsisiyasat sa pag-isyu ng Special Resident Retiree’s Visas (SRRV), Special Investor’s Resident Visa (SIRV), at ang proseso ng late registration of birth na maaaring ginagamit daw sa ilegal na pamamaraan ng mga dayuhang mamamayan.

Isa sa mga pangunahing alalahanin ni Rep. Tulfo ay ang datos mula sa Philippine Retirement Authority (PRA) na nagpapakita ng mahigit 30,000 Chinese nationals na nabigyan ng SRRV, sa kabila ng pagiging masyadong bata ng ilan sa kanila para ituring na retirado. Bago ang pagbabago noong 2021, ang PRA ay tumatanggap daw ng mga retirado na nasa edad na 35 taong gulang, isang edad na malayo sa karaniwang konsepto ng pagiging retirado.

“Isipin ninyo, 35 taong gulang na mga Chinese nationals ang binigyan natin ng SRRV? Ganyan ang edad ng kalakasan ng tao, bakit retirement visa ang gamit nila? E pwede nga silang sundalo sa edad na 35 taong gulang,” paliwanag ni Tulfo sa panayam ng inyong lingkod sa programang TARGET ON AIR sa DZME 1530khz.

Ang tanong na ito ay naglalayong suriin daw kung talagang retirees ang mga binigyan ng SRRV o kung ginagamit lamang ito bilang paraan upang makapasok at manatili sa bansa nang hindi dumadaan sa tamang proseso ng imigrasyon.

Hindi rin nakaligtas sa kritisismo ang mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ang mga recent raid sa POGO establishments ay nagbunga ng pagkakatuklas sa mga opisina, dormitoryo, at iba pang mga pasilidad na nagpapahiwatig nang matagal na presensya ng Chinese nationals.

Ang sitwasyong ito ay nagdudulot ng pangamba na ang nasabing mga pasilidad ay ginagamit na tirahan, sa halip na pansamantalang tanggapan ng negosyo.

Bukod dito, nais din ni Tulfo na masusing imbestigahan ang proseso ng late registration of birth.

Ang kontrobersiya na kinasasangkutan ni Bamban Tarlac Mayor Alice Guo ay nagpapatunay raw na ang nasabing proseso ay maaaring abusuhin upang ma-legitimize ang ilegal na presensya ng mga dayuhan sa bansa.

Ang mga visa tulad ng SRRV at SIRV ay nilikha raw para sa mga lehitimong layunin ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Gayunpaman, ang kasalukuyang mga patakaran ay tila nagiging daan para sa pag-abuso, partikular na ng Chinese nationals, na nagnanais makakuha ng exemption mula sa mga kinakailangan sa imigrasyon at ilang mga buwis at bayarin. Ang mga kaluwagan na ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang magtrabaho, mag-aral, mamuhunan, at malayang makipagtransaksyon sa gobyerno ng Pilipinas.

Ang panawagan ni Rep. Tulfo ay isang mahalagang hakbang upang masiguro ang integridad ng ating mga batas at patakaran. Ang pagsisiyasat sa SRRV, SIRV, at late registration of birth ay hindi lamang tungkol sa proteksyon ng ating pambansang seguridad kundi pati na rin sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa ating mga institusyon.

Nawa’y magbunga ang panawagan ni Rep. Tulfo ng makabuluhang aksyon at mga reporma na magtitiyak na ang Pilipinas ay nananatiling ligtas, maayos, at makatarungan para sa lahat ng kanyang mamamayan.

221

Related posts

Leave a Comment