MILYONES NA BIRTHDAY BASH NI MALAPITAN PINUNA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

GUMASTOS daw si Caloocan 1st District Rep. Oca Malapitan ng milyon-milyon para sa bonggang birthday celebration nito noong Hunyo 14 sa marangyang hotel sa Parañaque City.

Akusasyon ‘yan ni dating Caloocan Mayor Rey Malonzo.

Ayon kay Malonzo, hindi problema ang paggastos para sa magarbong party kung ang mga Malapitan ay private citizen. Si Oca Malapitan kasi ay congressman, samantalang si Along Malapitan na kanyang anak ay ang mayor ng Caloocan, at sa sitwasyong marami ang naghihirap, ang magarbong party ay labag sa ethical standards ng public officials at insensitibo sa kalagayan ng mga tao.

Ayon pa sa impormasyong nakalap ni Malonzo kaugnay ng nasabing magarbong 70th birthday celebration ni Rep. Oca, nakalulula nga dahil venue at pagkain pa lamang ay nasa P3 milyon na raw; labas pa rito ang para sa emcee at entertainers tulad nila Zsa Zsa Padilla, Rey Valera, Paolo Santos at marami pang iba.

Eto ang malupit. Marami ang nagtatanong kung kaya bang suportahan ng mga Malapitan ang ganitong maituturing na luho gayung wala namang malaking negosyo ang kanilang pamilya?

Sabagay dati na ang mga haka-haka at alalahanin ng kanilang mga nasasakupan hinggil sa kita at gastos ng pamilya.

Sabi ni Malonzo ay nagsaliksik sila at walang nakitang malaking negosyo ang mga Malapitan.

Kayo naman, baka may mga nag-donate o sumagot sa selebrasyon ni Cong. Marami naman sigurong kaibigan ang kanilang pamilya.

Para sa isang ordinaryong taga-Caloocan, maglalaway ka na lang talaga sa bonggang selebrasyon, na dinaluhan ng halos 1,000 bisita, kabilang ang mga opisyal ng barangay at siyudad, mga pari, celebrities, negosyante, at top government officials.

Balik-tanaw. Di ba, inakusahan noon si Oca ng maling paggamit ng kanyang PDAF na P8 milyon? Noong 2015, ang Office of the Ombudsman ay nagsampa ng criminal complaint for graft and corruption laban kay Malapitan at anim na opisyal ng DSWD dahil sa pag-apruba sa paggamit ng kanyang PDAF sa mga programa ng Kalookan Assistance Council, Inc.

Kasunod nito ang plunder at graft complaint dahil sa umano’y overpriced birthday gift packages para sa senior citizens.

Noong 2021, isa pang graft complaint ang isinampa laban sa kanya at sa apat na indibidwal na binubuo ng 2 city officials, isang Department of Education official, at pribadong individual
hinggil sa umano’y pagbili ng substandard tablets para sa mga estudyante ng pampublikong paaralan nang hindi dumaan sa proseso ng public bidding.

Pinabulaanan ito ni Malapitan, na tiniyak sa mga residente ng siyudad na dumaan sa tamang proseso ang kanilang proyektong digital tablets. May mga dokumento umanong nagpapatunay na sumunod ito sa mga kailangan na itinakda ng batas.

Balik-tanaw lang ‘yan ha.

313

Related posts

Leave a Comment