SA GANANG AKIN Ni JOEL ZALDARRIAGA
MATAGAL nang suliranin ng bansa ang kalidad ng pampublikong transportasyon. Marami sa mga komyuter ang itinuturing na kalbaryo ang pagbiyahe dahil sa kakulangan ng opsyon ng pampublikong transportasyon na resulta ng kakulangan sa imprastraktura para rito gaya ng mga riles, mga tulay, mga terminal, at mga pantalan. Hindi tuloy maresolba ang mabigat na daloy ng trapiko sa bansa.
Sa lala ng daloy ng trapiko, tila wala na yata ang konsepto ng “rush hour”. Hindi kataka-takang maraming mga motorista ang mas gumagamit ng motorsiklo upang hindi maipit sa mabagal na daloy ng mga sasakyan at makatipid din sa gastos sa gasolina. Ito marahil ang mga pangunahing dahilan kung bakit patok sa mga komyuter ang paggamit ng serbisyo ng mga motorcycle taxi gaya ng Angkas.
Makatutulong sana sa pagbibigay ng solusyon ang naging hakbang ng Grab Ph kamakailan na pasukin ang industriya ng motorcycle taxi sa pamamagitan ng pagkuha sa Move It. Subalit maraming mga concerned citizen at mga transport interest group ang umalma rito kaya’t umabot sa Kongreso ang usapin.
Sa ginawang pagdinig kamakailan, kinuwestyon ni Congresswoman Stella Quimbo, dating Chairperson ng Philippine Competition Commission (PCC), ang PCC kung dumaan ba sa matinding pagsusuri ng ahensya ang hakbang na ito ng Grab Ph. Inalam din ng kongresista kung nagkaroon ng paglabag sa mga tuntunin at regulasyon ukol sa patas na kompetisyon.
Binigyang-diin ni Cong. Quimbo ang nga nauna nang isyu ng pagtaas ng presyo ng pamasahe at sobrang singil nang kuhanin din ng Grab Ph ang Uber noong 2018. Sa katunayan, kabilang din ito sa mahabang listahan ng mga reklamong kanilang natanggap patungkol sa pagkuha ng Grab Ph sa Move It.
Ikinagulat ng kongresista ang sinabi ng mga kinatawan ng PCC na sa kabila ng mga kondisyong inilatag ng ahensya noong kinuha ng Grab Ph ang Uber, hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusunod ang mga ito, lalo na ang tungkol sa sobrang taas na singil. Malubha pa rin ang pagtaas ng presyo ng serbisyo ng nasabing kompanya.
Ngayon ay mas naiintindihan ko na ang sentimyento ng mga naghain ng reklamo ukol sa usaping ito. Natatakot silang maulit ang nangyari noong 2018. Kung mahirap na ang buhay noong taong iyon, mas humirap pa ang buhay ngayon dahil sa epekto ng pandemya. Nananaig ang pangamba ng mga ito dahil taliwas sa ipinangako ng panukalang batas na ligtas at abot-kayang presyo ng pamasahe para sa sambayanang Pilipino ang nangyari noong 2018.
Dapat siyasating mabuti ang regulasyon ukol sa operasyon ng mga motorcycle taxi lalo na’t patuloy ang pagtaas ng produktong petrolyo. Kailangan balansehin ang sitwasyon – magbigay ng karagdagang opsyon para sa mga komyuter, ngunit dapat siguruhing abot-kaya ang halaga ng pamasahe dahil hindi naman lahat ay sapat ang kinikita mula sa kanilang hanap-buhay.
430
