KINATIGAN ni Senador Koko Pimentel ang naging kautusan ng lokal na pamahalaan ng Cebu na gawin nang voluntary ang pagsusuot ng face mask sa labas.
Sinabi ni Pimentel na panahon na upang maging rasonable ang lahat kasabay ng paggiit na mas alam ng mga lokal na pamahalaan ang sitwasyon sa kani-kanilang nasasakupan.
Iminungkahi pa ng senador na ipaubaya na sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng kautusan kung gagawing boluntaryo ang pagsusuot ng mask.
Binigyang-diin ng mambabatas na bagama’t may pandemic pa rin, hindi naman ito nangangahulugan na emergency pa rin ang sitwasyon partikular sa bansa.
Ipinaliwanag nito na ang ibig sabihin ng sitwasyon na mayroon pa ring nakahahawang sakit sa buong mundo subalit kontrolado na rin ito.
“Wala nang emergency, kapag lumalabas ako, kumakain sa labas, puno ang mga restaurant. Wala nang emergency,” diin pa ni Pimentel.
Iginiit ng senador na dapat magpulong ang IATF at mga lokal na pamahalaan upang i-adjust na ang kanilang rules. (DANG SAMSON-GARCIA)
