INAPRUBAHAN na ng dalawang komite ng Senado ang panukala upang itaas sa 16-anyos ang age of consent o ang edad na maaaring saklawin ng kasong statutory rape.
Sa pagdinig kahapon ng Senate Committees on Justice and Human Rights at Women, Children, Family Relations and Gender Equality, inaprubahan ang walong panukala upang amyendahan ang kasalukuyang batas na nagtatakda na hanggang 12 taong gulang ang saklaw ng statutory rape.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, may-akda ng isa sa mga panukala na napapanahon na ang pagtaaas ng age of consent sa gitna ng nakaalarma nang mga kaso ng child abuse at teenage pregnancy.
Tinukoy ni Zubiri ang 2015 National Baseline Study on Violence Against Children, isa sa bawat limang kabataan na may edad 13-17 anyos ang nakaranas ng sexual violence habang isa sa bawat 25 ang nakaranas na ng forced sex sa kanilang pagkabata.
Idinagdag pa ng senador na ang Pilipinas ang may pinakamataas na adolescent birth rates sa ASEAN kung saan lumabas sa World Bank study na 47 sa bawat 1,000 nanganganak kada taon ay may edad 15-19.
“I believe that the amendment to the Revised Penal Code is long overdue considering that the RPC is 89 years old and should be put at par with the expanding measures to protect children, our most vulnerable, and also our most valuable human resources,” pahayag ni Zubiri.
“We have to do that now, to allow our children to really live their lives to the fullest, and not lose their innocence at such a young age. It’s such a barbaric act that should be condemned and penalized to the utmost extent,” idinagdag pa ng mambabatas.
Ipinasok din naman ng mga mambatas ang “Romeo and Juliet” provision na kumikilala sa consensual relationships sa pagitan ng teenagers dahil ang pangunahing target ng panukala ay ang mga may edad na nang-aabuso ng kabataan. (DANG SAMSON-GARCIA)
