SA gitna ng rightsizing na ipinatutupad ng administrasyon, isinusulong ni Senador Loren Legarda ang panukala para sa pagtatatag ng Department of Technical Education and Training.
Sa kanyang Senate Bill No. 6, iginiit ni Legarda na ang ipinapanukalang departamento ay magiging pangunahing government agency na nakatutok sa promotion and development ng technical education, training, at certification.
Sinabi ni Legarda na layun din ng panukala na palakasin ang papel ng Technical Education and Skills Development Authority sa pagkakaloob ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga Pilipino lalo na ngayong nasa new normal ang bansa.
Iginiit ng senador ang pangangailangan na magkaroon ng mga bagong resources para sa promosyon ng mga oportunidad upang matugunan ang pangangailangan ng employment sector.
Nagpahayag din ng suporta ang mambabatas sa mga programa ng TESDA para sa pagdaragdag ng kasanayan sa mga manggagawang Pinoy tulad ng Barangay Kabuhayan Skills Training Program, Training for Work Scholarship Program, at Special Training for Employment Program.
“The introduction of innovative ways to enhance skills and provide additional learning is consistent with TESDA’s objectives of social equity for workforce inclusion and poverty reduction” dagdag pa ni Legarda. (DANG SAMSON-GARCIA)
