TINIYAK ni Presidential spokesperson Harry Roque sa publiko na protektado ang kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation sa kabila ng ikakasang muling organisasyon ng health insurer.
“Sakali mang bubuwagin o i-privatize ang PhilHealth dahil sa corruption, hindi papayagan ng pamahalaan na mawala ang contributions, bagkus, mapaigi pa ito,” ayon kay Sec. Roque.
Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay tugon sa tanong kung ligtas pa rin ang monthly contributions ng mga miyembro nito.
Nilinaw naman ni Sec. Roque na kapag naikasa na ang organisasyon sa PhilHealth, magkakaroon aniya ng transitory provision sa batas.
Giit nito, ang health insurer ay nilikha ng batas kaya’t kailangan na matapos sa pamamagitan ng batas.
Bukod dito, sinabi pa ni Sec. Roque na ang bagong itinalagang PhiHealth chief na si Dante Gierran ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na walisin ang korapsyon sa ahensiya hanggang sa matapos ang taon.
Naniniwala si Sec. Roque na mayroon pa ring mabubuti at tapat na tao sa PhilHealth, kaya nga nabunyag ang di umano’y iregularidad at para maisalba ang ahensiya. (CHRISTIAN DALE)
