HINATULAN ng isang judge ng Manila Regional Trial Court (RTC) na mabilanggo ng maksimum na anim na taon si Maria Ressa, executive editor ng Rappler, nang labagin nito ang probisyon tungkol sa cyber libel ng Cyber Prevention Act of 2012.
Kasama ni Ressa ang reporter ng Rappler na si Reynaldo Santos Jr., ang nagsulat ng artikulong pinag-ugatan ng kasong isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng laban sa dalawa.
Ayon sa desisyon ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Manila RTC Branch 46, nilabag nina Ressa at Santos ang Seksiyon 4 ng Cybercrime Prevention Act of 2012 o Republic Act No. 10175.
Idiniin ni Montesa na probisyon ukol sa pagyurak o paninira ng reputasyon o puri ang nilabag nina Ressa at Santos kay Keng – hindi press freedom at demokrasya ng Pilipinas ngayong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa artikulo ng Rappler na lumabas sa online platform nito noong Mayo 2012, nabanggit na si Keng ay sangkot sa iba’t ibang krimen, kabilang na ang tungkol sa ilegal na droga.
Walang nakasulat na paliwanag o komentaryo si Keng sa nasabing artikulo na nagwawasto sa pagbatikos ng Rappler sa kanya.
Sa desisyon ng korte, inatasan din sina Ressa at Santos na magbayad ng P200,000 kay Keng bilang “moral damages” at P200,000 pa uli para naman sa “exemplary damages.”
Pansamantalang nakalalaya ang dalawa makaraang magpiyansa sila sa korte.
Matapos ang hatol, idiniin ni Ressa na ang desisyon ay isang “cautionary tale” ng media sa Pilipinas.
“It is a blow to us. But it is also not unexpected. I appeal to you, the journalists in this room, the Filipinos who are listening, to protect your rights. We are meant to be a cautionary tale. We are meant to make you afraid. But don’t be afraid. Because if you don’t use your rights, you will lose them,” patuloy ni Ressa.
Batay sa rekord ng Manila RTC Branch 46, nabanggit na hiniling ni Keng na ilabas ang kanyang paliwanag laban sa mga akusasyong makasisira sa kanyang reputasyon o puri bilang negosyante.
Ngunit, mukhang binalewala ito ng Rappler.
Idiniin ni Montesa sa kanyang desisyon na: “A news organization who claims to adhere to accuracy, fairness and balance in terms of reporting, would have retracted, or at the very least issued a clarificatory article if there have been some indications of falsity to its previous article… This clearly shows actual malice.”
“[T]he court is mandated to decide solely on the basis of the evidence presented by the parties and to apply the law.
No more, no less,” paliwanag niya.
“The Courts are tasked to strike a balance between the enforcement of one’s right to speak his mind and the protection of another’s right against defamation of his honor and reputation without regard to the stature of the personalities involved,” patuloy ng judge.
Nilinaw at tiniyak ni Montes na ang kaso laban kina Ressa at Santos ay hindi patungkol sa demokrasya o press freedom, sapagkat “There is no curtailment of the right to freedom of speech and of the press” na naganap.
“The right to free speech and freedom of the press cannot and should not be used as a shield against accountability,” pangaral ni Montesa kina Ressa at Santos – at maging sa lahat na rin ng mamamahayag.
Mayo 2012 ang artikulo ni Santos kung saan wala pang batas laban sa krimen sa online.
Setyembre 2012 naging batas ang R.A. 10175.
Kaya, isa sa naging depensa nina Ressa at Santos ay hindi dapat “retroactive” ang R.A. 10175.
Pero, nadiskubreng muling ipinaskil ng Rappler ang artikulo laban kay Keng noong 2014.
Ipinakita ito ni Keng sa sala ni Montesa habang nililitis ang kaso.
Ayon kina Ressa at Santos, ang muling paglalathala ng artikulo na dalawang taon ang puwang ay pagwawasto lamang ng salitang “evation” sa “evasion.”
Hindi pinatulan at tinanggap ng judge ang nasabing pagtatanggol ng dalawa.
Inaasahang ilalaban nila ang kaso hanggang Court of Appeals (CA) at Korte Suprema.
GAGAMITIN NG KRITIKO
Kumbinsido naman ang Malakanyang na gagamitin ng mga kritiko ng administrasyon ang conviction nina Ressa at Santos para palabasin na kalaban ng press freedom si Pangulong Duterte.
“Sa darating na araw po, asahan po natin na ang mga kalaban ng gobyerno ay gagamitin ang conviction ni Maria Ressa for libel para sabihin na kalaban daw po ng kalayaan ng malayang pananalita at pamamahayag ang Presidente,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Sinabi pa ni Sec. Roque na hindi kailanman naghain ng libel case si Pangulong Duterte laban sa kaninuman at si Pangulong Duterte aniya ay supporter ng press freedom at freedom of expression.
Ipinagkibit-balikat din ni Sec. Roque ang naging pahayag ni Ressa na ang conviction sa kanya ay “cautionary tale”.
“Wala pong basehan ‘yan. She’s barking [up] the wrong tree. Meron pa naman pong pagkakataon si Maria Ressa na umapela.
Habang po siya ay umaapela, hindi naman po siya makukulong. We wish her the best,” aniya pa rin.
TINULIGSA
Samantala, itinuturing na pag-atake sa press freedom ang guilty verdict kina Ressa at Santos kaya’t hindi ito tinanggap ng miyembro ng minority bloc sa Senado.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi nina Senador Leila De Lima, Risa Hontiveros at Francis “Kiko” Pangilinan na ipinakikita ng desisyon na ginagamit ng administrasyon ni Pangulong Duterte ang batas upang patahimikin ang kritiko nito.
“First, they came for the journalists. We don’t know what happened after that,” ayon kay Hontiveros.
Aniya, sa taong ito, at habang nilalabanan natin ang global pandemic ng corona virus 2019, nasaksihan natin ang pagsasara ng far-reaching media institution, at weaponization ng ating bansa laban sa journalist na gumagawa lamang ng unbiased reporting tungkol sa extrajudicial killings sa bansa.
AGAM-AGAM
Ikinabahala naman sa mababang kapulungan ng Kongreso ang desisyon sa cyber libel case ng dalawang nabanggit na mamamahayag.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, bukod sa malinaw na banta ito sa press freedom ay mistulang preview na umano ito sa anti-terror bill na nakatakdang maging batas.
“The court’s verdict convicting Maria Ressa and his researcher-writer of cyber libel sends a chilling effect to the press and ominously presents a preview of more calibrated attacks on press freedom especially under the looming Anti-Terrorism Law,” ani Brosas.
“The message of the conviction is clear: Duterte and his friends can abuse their power to frame truth-tellers in a bad light, harass them with lawsuits, and hand them down jail time,” ani Brosas. NELSON S. BADILLA /CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD
