PAHIWATIG NI DU30 SA OMBUDSMAN

BATAY sa itinakda ng Saligang Batas, malinaw ang mandato ng Pangulo – ang pamunuan ang ehekutibong sangay ng pamahalaan at ang hukbong sandatahan ng bansa. Halaw sa salitang ehekutibo, trabaho ng isang Pangulo ang magpatupad ng mga proyekto at programa sa ikabubuti ng bansa.

Wala sa kanyang mandato ang pag-aabogado sa mga usaping legal, partikular sa diumano’y iregularidad na pagsasalin ng controlling stake ng Malampaya gas field sa isang kaalyadong negosyante, kesehodang nag-ambag pa ito ng malaking halaga sa kanyang kampanya.

Bagama’t abogado, taliwas naman sa angkop ang nakitang pihit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang inilabas na sentimyento sa isyung bumabalot sa transaksyon ng negosyanteng si Dennis Uy sa Malampaya.

Garantiya ng Pangulo, walang bulilyaso o iregularidad man lang sa take-over ni Uy sa Malampaya gas field kung saan nakorner ng negosyante ang 90% controlling stake ng nasabing proyekto ng gobyerno, sabay giit na walang pakialam ang Department of Energy (DOE) sa isang pribadong transaksyon sa pagitan ng dalawang kumpanya.

Bagama’t hindi na bago ang eksenang pagtatakip ng Palasyo sa mga bulilyaso ng mga itinalaga ni Duterte sa pwesto, nakagugulat lang na sa ­unang pagkakataon, naglabas ang Malakanyang ng isang pirmadong pahayag ng Pangulo makaraang irekomenda ng Senado sa Office of the Ombudsman ang paghahain ng kaso laban naman kay Energy Secretary Alfonso Cusi na may saklaw sa kagawarang nangangasiwa sa usaping may kaugnayan sa Malampaya.

Giit ng Pangulo, isa lang pamumulitika ang panggigipit kay Uy at Cusi, kasabay ng patutsada sa Senado na wari niya’y kalaban ng estado.

Sa pananaw ng mga ordinaryong Pilipino, malinaw ang pahiwatig ng Pangulo. Hindi man direkta, tila nais ng Pangulo na ilaglag ng Ombudsman ang kalatas ng senado.

137

Related posts

Leave a Comment