NASA iba’t ibang puwesto sa burukrasya ang napakaraming politiko makaraang ihalal sila ng mamamayan.
Nangunguna ngayon sa mga politikong ‘yan ay sina Rodrigo Duterte at Maria Leonor Robredo na pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.
Nariyan din ang mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso na pinamumuan nina Senate President Vicente Sotto III at Speaker Lord Allan Jay Velasco, panlalawigan hanggang pamahalaang pambayan, barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Matapos ang eleksyon, ang susunod na trabaho, tungkulin at obligasyon ng mga politiko ay pakinggan ang mamamayan.
Ito’y dahil ang kanilang pagpapasyahang mga programa, proyekto, patakaran at kung anu-anong isyu na gusto nilang pagpasyahan at aksiyonan ay nakabatay at pumapatungkol sa interes at kagalingan ng mamamayan.
Mamamayan din ang kanilang pangunahing idihalan kung bakit sila nakaluklok ngayon sa puwestong hiningi nila sa mga botante noong halalan.
Ang totoo, tuwing halalan ay mamamayan ang bukambibig ng mga pulitiko na kanilang pagsisilbihan kapag nakaposisyon na sa pamahalaan.
Panay mamamayan.
Pokaragat na ‘yan!
Ngunit, kapag naupo na ay “mamaya na!” ang dahilan.
Kapag, nagfollow-up at nangulit ang mamamayan ay walang tigil na mamaya na ang sasabihin ng mga pulitiko.
Pokaragat na ‘yan!
Ngayon nahaharap ang ating bansa sa napakatinding krisis sa ekonomiya kung saan mamamayan ang nakatikim ng pinakamatinding ‘dagok’ dahil nawalan ng trabaho, o mapagkakakitaan, ang napakarami sa kanila ay wasto lamang na pakinggan ng mga pulitiko ang mamamayan, lalo na iyong mga pangkaraniwang tao na siyang pinakamalaking bilang sa lahat.
Halimbawa, nananawagan ang mga organisasyon ng mga manggagawa sa buong bansa na ihabol ng mga senador at kongresista na bahagi ng Bicammeral Conference Committee (Bicam) ang pagbabago sa badyet ng pambahalaan para sa 2021.
Hangad ng NAGKAISA Labor Coalition na dagdagan nang tumaas kahit bahagya ang pondo para sa tinatawag nilang “public employment”.
Ang pondong ipinadadagdag ng NAGKAISA ay “economic stimulus” sa mga manggagawa natapos na milyun-milyon sa kanila ang nawalan ng trabaho nang rumagasa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) mula Marso hanggang kasalukuyan.
Hindi malaki ang pondong hinihingi nila na pihadong kayang-kayang ibigay ng mga mambabatas, lalo pa’t silang lahat ay ‘nagmamahal’ sa mga manggagawa.
Hindi naman aabot sa kalahati ng P4.506 trilyon ang ipalilipat ng NAGKAISA sa pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Hindi rin nila pinababawasan ang perang ilalaan sa Department of Education (DepEd), sapagkat maliban sa ito ang dapat na magkaroon ng pinakamalaking badyet, alinsunod sa dikta ng Saligang
Batas, ay kailangan ng mga anak ng mga manggagawa ang badyet para sa mga anak nilang nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Hindi rin ang pondo ng Department of Heath (DOH) dahil para ito sa kalusugan ng mamamayan.
Hindi rin iyong itinakda para sa Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil kailangang busugin ng Malakanyang ang mga sundalo at pulis laban sa mga taong lumalabag sa batas.
Syempre, lalong hindi iyong pondo na nakareserba sa bank accounts ng mga politiko, bank accounts ng kanilang mga asawa at anak – at mga kalaguyo.
Alam na alam naman ng mga manggagawa na malaking away kapag ginalaw ang para sa kanilang mga personal na pagyaman at kaligayahan.
Kaya, hindi kahilingan ng NAGKAISA na galawin ang hindi nakalaan sa kanila.
Ang kahilingan lang ng mga lider-manggagawa, sampu ng kanilang mga kapwa manggagawa, sa mahigit 40 organisasyon at unyon ng mgsa obrero, ay pondo na “ipantatawid lang sa kanilang kalunus-lunos na buhay” ngayong hindi pa tuluyang napatigil ang paglaki at pinalalaking bilang ng mga taong tinamaan ng COVID-19.
Ang kawalan ng trabaho, kabilang na iyong mga regular sa napakaraming kumpanya at pabrika mula uluhan ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao, ay pangyayaring totoong naganap, batay na rin sa nakalap na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at DOLE.
Upang malaman ng mga senador at kongresista ang kahilingan ng mga manggagawa, magpatawag sila ng konsultasyon upang malinawan at maliwanagan ang kanilang mga isipan.
Pakinggan naman ninyo ang mamamayan.
186
