Dahil pa rin sa COVID-19
MULING sinuspinde ng pamunuan ng NCAA ang lahat ng aktibidad nito base sa Red Alert Sub-Level 1 na idineklara ng Department of Health at ng Department of Education hinggil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Ang aksyong ito ng NCAA management ay para sa kaligtasan ng mga estudyante, atleta, fans at officials.
Nakatakdang magpulong ang NCAA officials upang desisyunan kung kakanselahin na ang lahat ng mga laro ng NCAA ngayong season.
Noong Enero ay kinansela rin ang mga laro matapos ang NCOV outbreak.
Samantala, dalawang buwan pa bago ganapin ang Palarong Pambansa ngunit dahil sa patuloy na pagtaas ng alert level sa coronavirus (COVID-19), tuluyan nang ipinagpaliban ng host Marikina City ang nasabing event.
Sa ulat ng DZMM kahapon, sa pamamagitan ng Marikina Public Information Office ay ipinagpaliban ni Mayor Marcelino Teodoro ang Palarong Pambansa na dapat sanang ganapin sa Mayo 1-9.
Ang kanselasyon sa Palarong Pambansa ay bunga na rin ng naitalang pasyente sa Marikina na nagpositibo sa nasabing virus.
Ito ang unang pagkakataong tatayong punong-abala ang Marikina City sa taunang kompetisyon ng 17 rehiyon sa bansa para sa student-athletes sa public at private schools, tampok ang elementary at secondary levels. (VT ROMANO)
