INAMIN ng Malakanyang na maging sila ay nababagalan sa distribusyon ng second tranche ng COVID-19 cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Sinasabing may 3,371,494 pamilya pa lamang mula sa target na 8 milyong pamilya ang nakatatanggap ng second round ng cash aid.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito’y may katumbas na P20.1 billion na ipinamahagi mula sa P100-billion budget para sa nasabing ayuda.
“Mabagal po talaga. Masasabi ko po na nabagalan din ang Palasyo sa proseso ng pangalawang tranche,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, na napaso na noong nakaraang buwan, ang kada benepisaryo ay makatatanggap ng mula P5,000 hanggang P8,000 ng 2 beses na dapat sana ay para sa buwan ng Abril at Mayo, base sa minimum wage rates sa rehiyon.
Subalit, sinasabing matatanggap na ito bago magtapos ang buwan ng Hulyo.
Hindi pa kasi natatapos ng Department of Social Welfare and Development ang distribusyon ng ayuda kahit pa mayroon nang digital wallets para sa programa.
“Maraming dahilan po ang sinasabi ng DSWD. Pero tinatanggap po namin ang deklarasyon ng DSWD na ‘di matatapos ang July na hindi mabibigay ang kabuuan ng ayuda maliban doon sa mga walang access sa internet,” ayon kay Sec. Roque.
Samantala, may 5 milyong karagdagang mahirap na pamilya mula sa Benguet, Metro Manila, Southern Tagalog Region, Central Luzon (maliban sa Aurora province), Pangasinan, Albay Province, Zamboanga City, Iloilo, Cebu Province, Bacolod City, at Davao City ang entitled sa second tranche ng cash aid.
Samantala, tila nakukulangan din si Pangulong Duterte sa tugon ng mga alkalde sa bansa para labanan ang COVID-19 infections.
Patuloy kasing tumataas ang bilang ng kaso ng naturang sakit.
Kaya binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mandatory na pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar at pag-obserba sa physical distancing. (CHRISTIAN DALE)
