TARGET ni KA REX CAYANONG
MASASABING isa na namang makasaysayang pagkilala ang natamo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Gov. Helen Tan.
Ito’y matapos muling igawad ng Commission on Audit (COA) ang pinakamataas na uri ng audit rating—ang Unmodified Opinion—sa ikatlong sunod-sunod na taon.
Isa itong malinaw na pruweba ng maayos, tapat, at episyenteng paggasta ng pondo ng lalawigan.
Hindi madali ang tumanggap ng ganitong pagkilala, lalo na sa harap ng mga pagsubok gaya ng limitadong pondo at mataas na pangangailangan mula sa mamamayan.
Ngunit sa pamumuno ni Gov. Tan, ipinamalas ng Quezon Province na posible ang malinis na pamahalaan basta’t ang bawat desisyon ay nakaangkla sa prinsipyo ng tunay na serbisyo.
Sa unang taon pa lamang ng kanyang panunungkulan ay natamo na ang Unmodified Opinion—at ngayon ay patuloy pa itong pinanghahawakan.
Samantala, hindi rin matatawaran ang suporta na natatanggap ng mga institusyong gaya ng QPHN–Doña Marta sa Atimonan, na kamakailan ay tumanggap ng P2 milyong halaga ng kagamitang medikal mula sa Rotary Club of South Korea at Rotary Club of Atimonan Lakambini.
Isa itong patunay na ang tiwala ng mga katuwang na organisasyon—lokal man o internasyonal—ay nananatiling buo dahil sa kredibilidad at integridad ng kasalukuyang pamunuan.
Sa ilalim ng bandila ng Serbisyong Tunay at Natural, patuloy na lumalakas ang loob ng mga Quezonian na mangarap, kumilos, at makibahagi sa mas progresibong lalawigan.
Aba’y isa lamang ang Unmodified Opinion sa napakaraming patunay na ang maayos na pamahalaan ay posible—basta’t ito ay ginagabayan ng malasakit at tunay na hangaring mapabuti ang kapakanan ng nakararami.
Kaya sa ganitong pamumuno, tunay na nararamdaman ang serbisyo.
Saksi ang COA, ang taumbayan, at higit sa lahat, ang kasaysayan.
