Kongreso, Palasyo sinumbatan OBRERO HINAYAANG MALUNOD SA KAHIRAPAN

HINAYAAN ng Kongreso partikular na ang Senado at maging ang Palasyo ng Malacañang na patuloy malunod sa kahirapan ang mga manggagawa lalo na ang minimum wage earners.

Pahayag ito ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña matapos hindi pumayag ang Senado na i-convene ang Bicameral Conference committee para sa legislative wage increase ng lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor na naging dahilan para hindi magkakaroon ng umento sa sahod sa buong bansa.

“Talaga namang nakakalungkot ang nangyari kasi sabi nga natin, etong wage hike na P200 nationwide dagdag na sa minimum wage, para siyang salbabida ng mga kababayan natin na nalulunod sa mataas na presyo ng mga bilihin,” ani Cendaña sa isang panayam.

Bago itiniklop ang 19th Congress noong June 11, 2025, isa sa inaabangan ng sambayanan ang pagratipika sa P200 legislated wage increase subalit hindi na-convene ang bicam dahil ayaw umano ng mga senador.

Dahil dito, napaso ang nasabing panukalang batas kasabay ng pagtatapos ng 19th Congress kaya walang maipatutupad na wage increase sa buong bansa para sa mahigit 5 milyong minimum wage earners.

“Etong nangyaring ito na hindi siya nakatawid at hindi naging batas para bang may nalulunod na tapos pinagkait mo pa yung salbabida na sana abot-kamay,” ayon pa sa mambabatas.

“We share yung galit ng iba’t ibang workers group na sinisingil ang Kongreso, ang Senado at ang Malacañang para sa hindi pagkakapasa ng batas na ito,” ayon pa sa kongresista.

Hindi lingid sa lahat na tinutulan ng mga economic manager ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nasabing panukala dahil posible anilang magdulot ng pagsasara ng maliliit na negosyo na magreresulta naman ng paglobo ng bilang ng mga walang trabaho.

Ito marahil aniya ang dahilan kaya hindi ipinasa ng Kongreso ang nasabing panukala kaya ang dalawang sangay ng gobyernong ito ang pinagdidiskitahan ngayon ng Kongreso dahil mistulang nagsabwatan ang mga ito para patayin ang legislative wage increase bill.

(BERNARD TAGUINOD)

15

Related posts

Leave a Comment