PAMAMAHAGI NG AYUDA NG LGUs PINASISILIP SA MGA AUDITOR

NANANAWAGAN ang isang mambabatas mula sa mababang kapulungan sa lahat ng auditor sa buong kapuluan na nakabase sa mga sangay ng gobyerno partikular sa hanay ng mga Local Government Unit na makialam sa sistema ng pamamahagi ng Social Amelioration Program.

Labis na ikinababahala ni House Deputy Minority Leader at Marikina City 1st District Congressman Bayani Fernando ang ginagawang distribution ng ayuda sa bawat pamilya na umano’y hindi patas.

Sinabi ni Fernando na sapul nang makarating sa kanyang kaalaman ang hindi parehas na pamamahagi ng SAP sa halos buong National Capital Region (NCR) at sa mga karatig lalawigan ay agad niya itong binigyang pansin upang kumilos ang nararapat na ahensiya ng gobyerno para maimbestigahan ang sinasabing pagkakaroon ng korapsiyon dito.

Base sa isang radio interview kay Cong. Fernando, nanghihinayang ito sa kanyang inihaing panukala sa House of Representatives na naglalayong ipaubaya ang pamamalakad sa pamamahagi ng ayuda sa bawat pamilya sa mga punong barangay dahil mas nakatitiyak aniyang walang malalampasan o hindi makakakuha ng karapat-dapat na halaga.

“Ang mga barangay kapitan ang siyang dapat humawak ng pera at nakatitiyak na mapupunta ito sa bawat pamilya dahil sila ang unang-unang nakakakilala sa kanyang nasasakupan, sila rin ang nakakaalam kung buhay o patay na si Pedro o si Juan at kung ang mga ito ay nakatira pa sa barangay na ultimo away ng magkasintahan ay nalalaman ng taong brgy,” pahayag ng mambabatas.

Binanggit ni Rep. Fernando na ang tanging magiging partisipasyon ng lokal na pamahalaan ay ang mag-supervise sa bigayan ng ayuda at ito ay makababawas pa ng trabaho sa mga local government official.

Nais din ng mambabatas na malaman ang katotohanan sa naging reaksiyon ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na ito ay mag-aabono dahil sa kulang umano ang dumating na pondo mula sa National Government para mapunan ang hindi pa nakatanggap ng P4k kada pamilya.

Ipinunto ng mambabatas na nakarating sa kanyang kaalaman na nakatanggap ang Marikina City Government ng halagang P365 million at kung susumahin ay umaabot sa 80 thousand pamilya meron ang nasabing lungsod kaya may sosobra pa itong P45 million.

Kasabay nito, nakiusap ang mambabatas sa mga kumukuha ng ayuda na tignan maige ang kanilang pinipirmahan kung talagang ang ibibigay sa kanilang pera ay iyong nakalista dahil ayon kay Fernando, marami ang nakatanggap ng tig isang libo lamang.

“Kung ikaw ay nakatanggap ng P1k malinaw na wala kang pamilya at ito ay single, san ka nakakita ng pamilya na nag-iisa,” ani Fernando.

Samantala, labis na sanang ikinatuwa ni Congresman Fernando at ng sambayanan ang pagpayag ni DepEd Sec. Leonor Briones sa panukala ng una na ipagamit muna ang mga silid-aralan bilang quarantine facility dahil sa kakulangan ng pasilidad para sa COVID-19 patients.

Gayunman, nadismaya ang mambabatas dahil sa kondisyon umanong inilatag ng kalihim. (CESAR BARQUILLA)

 

176

Related posts

Leave a Comment