INUDYUKAN ni Senador Win Gatchalian ang mga kinauukulan na pabilisin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program sa mga benepisyaryo nito lalo na’t tumaas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo.
“Katapusan na ng buwan at nakatakda nang ibigay ngayong Abril ang ikalawang bugso ng Pantawid Pasada. Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang malayo pa sa kalahati ang naipapamigay na fuel subsidy. May nakalaan namang pondo para dito. Sana ay madaliin na ang pamimigay nito upang maibsan ang pasanin ng ating mga public utility drivers,” ayon kay Gatchalian.
Sa kasalukuyan, 115,000 PUV drivers at operators pa lamang sa 377,443 na benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P6,5000 subsidy para sa tatlong buwang pasada.
Dinoble o ginawang P5 bilyon ang dating P2.5 bilyon na budget para sa Pantawid Pasada program na inilaan ng gobyerno. Ang unang bugso na sumasaklaw sa mga buwan ng Disyembre 2021, Enero at Pebrero 2022 ay inaasahang maipamahagi ng Marso samantalang ang pangalawang tranche na sumasaklaw sa buwan ng Marso, Abril at Mayo ngayong taon ay ipamimigay sa susunod na buwan. (ESTONG REYES)
212
