BINALAAN ni Agriculture Secretary William Dar ang mga tauhan at empleyado ng kanyang departamento na mahaharap sa suspensyon o kasong administratibo kapag napatunayang kasabwat ng technical smugglers sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dar na ang mga smuggler ng agricultural products ay kadalasang nakalulusot sa kanilang krimen sa pamamagitan ng legal channels, gumagamit ng technical smuggling schemes gaya ng misdeclaration, undervaluation, o misclassification.
Ang mga smuggled goods ay nakapapasok sa merkado sa tulong ng “big time” personalities at nagsisilbi nitong kasabwat sa loob ng DA.
“Irerekomenda po nating, base dun sa existing laws, kung ano ‘yung karampatang mga repercussions of their illegal acts, at the end of the day, kung suspension muna, i-suspend, upon the recommendation of the department of agriculture,” ayon kay Dar.
Nauna nang nagbabala ang DA na mahaharap ang mga “high-profile individuals” sa kasong administratibo. Hinikayat ni Dar ang posibleng impormante na tulungan ang gobyerno na bilisan ang imbestigasyon nito.
“Continuous din ‘yung pagkakalap natin ng impormasyon at imbestigasyon kasi we would like to do due diligence properly, at sana ‘yung mga may interaksyon, o merong kuntyabahan diyan, ay sabihin sa’min lahat itong impormasyon para mas mabuo at malaman natin kung sino po mga involved na opisyales,” ayon kay Dar.
Tinukoy rin ng DA ang pangangailangan na i-digitize ang kanilang import at customs operations, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs (BOC). (CHRISTIAN DALE)
127