PAMAMAHAGI NG SAP, IPINASA NG DSWD SA LGUs

IPINASA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa local government units (LGUs) ang pamamahagi ng P5,000 hanggang P8,000 sa 18 milyong mahihirap na mga pamilyang Filipino.

Ito’y sa kabila na tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa LGUs ang pamamahagi ng perang galing sa P200 bilyong Social Amelioration Program (SAP) dahil sa mga reklamo ng korapsyon sa mga pamahalaang lokal.

Ayon sa DSWD, ang pagpasa sa LGUs ay upang mapabilis ang pamamahagi ng P5,000 hanggang P8,000 kada pamilya.

Ang pagkakaiba sa halaga ay ibinatay sa buwanang sahod ng mga rehiyon sa bansa.

Sa National Capital Region (NCR) na siyang pinakamataas na buwanang minimum na sahod ay tig-P8,000 ang matatanggap ng mahihirap sa Abril at Mayo.

Sa mga mahihirap na rehiyon na P310 hanggang P326 kada araw ang sahod tulad ng Rehiyong 4-B, 5, 8, 9, 12, CARAGA at BARMM ay tig-P5,000 lamang ang matatanggap ng mahihirap na pamilya sa Abril at Mayo.

Matatandaang inilabas ng Saksi Ngayon ang inanunsiyo ni DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista sa media na 3.7 milyong “household” (kabahayan) pa lang ang nabigyan ng kagawaran ng mahigit P16 bilyon mula sa P200 bilyong inilaang pondo para sa SAP.

Nitong Abril 16, inilabas ng DSWD ang bagong gabay sa pamamahagi ng P5,000 hanggang P8,000 sa mahihirap.

“Under the amended measure, validation of beneficiaries will be conducted after the payout of the subsidies. Thus, local government units (LGUs) may proceed with the distribution of the cash aid within 24 hours upon receipt of the funds from the DSWD,” paliwanag ng DSWD sa press statement nito.

Ayon kay Bautista, 80 porsiyento sa pondo ng SAP para ngayong Abril ay natanggap na ng LGUs nitong Abril 16.

Hindi binanggit ni Bautista ang eksaktong halaga ng 80 porsiyento, dahilan upang maging palaisipan sa publiko ang natanggap ng bawat LGU mula Luzon hanggang Mindanao.

Pero, tiniyak ng kalihim na 24-oras simula nitong Abril 16 ay nasimulan nang maipamahagi sa mahihirap na pamilya sa iba’t ibang panig ng bansa ang kani-kanilang perang P5,000 hanggang P8,000.

Nakalagay sa bagong gabay ng DSWD na puwedeng ibigay ng mga pamahalaang lokal ang nasabing halaga kahit hindi pa tiyak na sila ay kasama sa listahan ng DSWD.

Ang pagkukumpirma (validation) kung ang mga nakatanggap ng ayudang pera ay kuwalipikadong makatanggap o hindi ay gagawin ng DSWD sa loob ng 15 araw.

Ibig sabihin ng DSWD ay kung ang mga nabigyan ay totoong mahihirap na mga pamilya o hindi.

Ayon sa DSWD, “The validation is vital to detect the duplication of assistance and to ascertain the eligibility of the beneficiaries.”

Matapos ang 15-araw na pagkukumpirma, hindi na bibigyan ng DSWD ng pera para sa Mayo kapag nadoble ang ibinigay sa mga nakatanggap na pamilya.

Binanggit din ng DSWD na ang pinagbabatayan ng 18 milyong mahihirap na mga pamilyang tinukoy na kabuuang bilang ng benepisyari ng SAP sa batas na “Bayanihan to Heal as One” ay ang DSWD LISTAHAN na ginawa ng kagawaran noong 2015.

Ang kulang na 3 milyon upang maging 18 milyon ay dinagdagan na lang ng DSWD “as a projection of population growth.”

Hindi nilinaw ng DSWD kung saan-saang lungsod at bayan nito kinuha ang tatlong milyon at kung paano ang prosesong ginawa. NELSON S. BADILLA

220

Related posts

Leave a Comment