PUNA ni JOEL O. AMONGO
HABAMBUHAY na pagkakabilanggo ang kakaharapin ng isang negosyanteng Taiwanese na nakabase sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) matapos umanong gahasain ang menor de edad na pamangkin ng kanyang tauhan sa kanyang canteen sa Morong, Bataan.
Ayon sa sumbong ng menor de edad, noong Hulyo, 2022, 15-anyos pa lang siya nang alukin siya ng tiyahin na itago natin sa inisyal na “CI” para magtrabaho sa canteen sa Morong, Bataan.
Ang kainan na pinapasukan ni “CI” ay pag-aari ng dayuhan (Taiwanese) na amo ng tiyahin ng dalagita.
Ayon sa dalagita, noong Hulyo 2022, habang nagtatrabaho siya sa canteen bilang helper o dishwasher ay dumating ang Taiwanese at ipinakilala siya ng kanyang tiyahin sa tinawag nitong “Boss SS.”
Kalaunan ay nagpa-selfie ang Taiwanese kasama ng dalagita, kasabay ng pagsasabing, “ANG GANDA MO.”
Makalipas ang ilang araw na pagtatrabaho ng dalagita sa canteen, may isang babae na lumapit sa kanya na nagpakilala raw secretary ng may-ari (Taiwanese Businessman) ng canteen at may ibinigay na cellphone, “PINAPA BIGAY NGA ITO SAYO NI BOSS SS.”
Sinabi ng secretary sa dalagita (biktima) na ang nasabing cellphone ay regalo sa kanya ni BOSS SS para matawagan siya nito.
Pagkalipas ng dalawang araw ang secretary ay bumalik sa canteen at muling nagbigay ng iPad sa dalagita na pinabigay ng suspek (Taiwanese) para magamit ng biktima sa online class.
Walang magawa ang biktima kundi tanggapin ang mga pinabibigay sa kanya ni BOSS SS dahil natatakot siya na baka pagalitan siya ng kanyang tita (CI) na nagpasok sa kanya sa canteen kung saan siya naninirahan.
Nabalitaan ng biktima na tumanggap ang kanyang tiyahin ng P50k at P60k mula sa Taiwanese na may gusto sa kanya.
Pagkalipas ng tatlong araw sa pagtatrabaho ng dalagita sa canteen, si BOSS SS sa pamamagitan ng kanyang secretary ay pinasundo ang biktima na isinakay sa van at dinala sa library sa opisina nito at kalaunan ay dinala sa resthouse ng suspek na matatagpuan sa Kalayaan Heights, Subic Bay Freezone Port, Zambales.
Ang biktima ay ikinulong sa kuwarto ng rest house hanggang dumating si BOSS SS at doon na raw nangyari ang panghahalay. Naulit umano ang panggagahasa ng tatlong beses.
Dahil sa ‘trauma’ ng biktima ay dalawang taon siyang nagtago at nang magkaroon ng lakas ng loob ay saka lumabas at nagsampa ng kaso laban sa suspek.
Ibang klase itong tiyahin ng biktima, siya pa mismo ang nagkanulo sa pamangkin.
Ang mga ganitong klaseng kamag-anak (tiyahin) ay dapat nabibigyan ng mabigat na parusa para hindi na siya pamarisan ng iba.
Magsama sila sa kulungan ng BOOS SS niya at pagbayarin sila sa kanilang mga nagawang kasalanan sa walang kalaban-laban na biktima.
Ang kaso ay isinampa sa Office of the Prosecutor, Olongapo City, Zambales noong Pebrero 13, 2025.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon mag-email sa operarioj45@gmail.com o magtext sa cel# 0977-751-1840.
