SUMPA NG MGA MARCOS?

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

MAY sumpa ba ang pamilyang Marcos dahil kapag sila ang namuno sa Pilipinas ay watak-watak ang mga Pilipino?

Martial Law baby ako kaya hindi ko naranasan ang lupit ng martial law ng ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na kung tawagin sa Northern Luzon ay Apo Lakay.

Pero sa mga nababasa ko at mga ebidensyang inilabas ng mga biktima ng batas militar at kalaban ni Marcos Senior sa pulitika, ay nagkawatak-watak ang mga Pilipino lalo na noong matunugan na walang balak ang matanda na bumaba sa puwesto.

Para makontrol ng matanda ang instability sa bansa ay nagdeklara siya ng martial law at pinatahimik ang kanyang mga kritiko, at media sa pamamagitan ng dahas kaya nagtagal ang pamilyang Marcos sa Malacañang ng dalawang dekada imbes na 6 na taon lang.

Hindi ito sinukuan ng magigiting na mga Pinoy na ibinuwis ang kanilang buhay para labanan ang diktador na pangulo na naging dahilan kaya nagkaroon ng armadong pag-aaklas sa pamamagitan ng New People’s Army (NPA).

‘Yung mga sibilyan nanahimik lang dahil marahil sa takot pero naubos din ang kanilang takot nang patayin si dating Senador Benigno Aquino Jr., na hindi tumigil sa pakikibaka laban kay Marcos Sr., kahit nasa Amerika siya.

Ngayong ang anak ni Apo Lakay na ang pangulo, hindi lang parang kundi nauulit ang kasaysayan… na watak-watak na naman ang mga Pilipino dahil sa hidwaan nila sa pamilyang Duterte.

Aminin na natin, may political instability ngayon sa Pilipinas at lumala pa nang isuko ng mga awtoridad si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) kung saan siya nahaharap sa kasong crime against humanity.

Dapat lang naman kasing harapin ni Digong ang kanyang kaso dahil siya naman talaga ang naghamon na madaliin ang paglabas ng arrest warrant laban sa kanya pero ang kanyang supporters ay hindi matatanggap ang nangyari sa kanilang pangulo.

Iyan ang dahilan kung bakit lumala pa ang hidwaan ng pro-Marcos at pro-Duterte camp na ugat ngayon political instability sa ating inang bayan kaya mapatatanong ka, may sumpa ba talaga sa pamilyang Marcos na kapag sila ay umupo ay hindi nagkakaisa ang bayan?

Mula noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino hanggang sa kanyang anak na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, hindi natin nararanasan ang ganitong kalalang political instability.

May mga kritiko naman sina dating Pangulong Cory, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, pero hindi naman malala kumpara sa nararanasan natin ngayon sa ilalim ni BBM. Isipin niyo!

50

Related posts

Leave a Comment