Tayo ay nasa panahon ng bangis at kalupitan.
Nahubaran na ang mga demonyo at duguan na, lumabas ang bangis, ang mga lalamunan ay lalong nauhaw sa dugo at ang mga pinatalim na pangil ay lalong nagutom sa laman. Buhay sa buhay ang palitan, dugo sa dugo ang salukan, laman sa laman ang suklian.
Ang panganib ay hindi lamang sumasakmal sa gabi, maging sa araw sa harap ng maraming tao. Ang katahimikan ng mga gabi naman ay hinahati ng mga panaghoy ng mga kamatayang nilulunod lamang ng mga businang nabalaho sa trapiko sa araw.
Ang mga lobo ay nauulol sa gitna ng mga pag-atake ng alagad ng liwanag sa kanilang mga mansyon, mga kuta, mga liblib na pinaghaharian at mga sulok na pinagtataguan. Naririnig na ang dagundong ng kanilang takot, ngunit sa kanilang takot mas nagiging mapanganib sila, mas naninibasib sa pagpaslang, hubad na hubad na ang mga maskara.
Ang mga nuno ng demonyo ay mga nakatago sa kanilang mga punso sa gitna ng mga siyudad at mga palasyo sa lalawigan, napaliligiran sila ng mga punglong handang sumingil ng buhay sa magtatangkang pahintuin ang rangyang nakasanayan.
Ang mga kartel sa ibang bansa ay nababahala na sa nangyayari sa Pilipinas, ginagamit na ang kanilang impluwensya sa pamahalaan, sa oligarkiya na ilang mahabang panahong sumuso sa kanilang tapang at galamay.
Ngayon ang panahon na minsan ang mga Filipino ay hindi na robot na pasunurin ng takot, na naging tao na sila na pinagningas ng pag-asa, lumalaban para sa kanilang mga anak at mga henerasyong tutungtong sa lupang pinagdidiligan ng dugo ngayon.
Matapos hayaan ng matagal na panahon na pakyawin ng demonyo ang buong bansa, matapos na ang 42,000 na barangay nito ay isailalim sa mahika ng droga at katatakutan, naghihimagsik na ang mabubuting Filipino na nanatili ang ilaw ng pag-asa sa kanilang puso na pinagningas pang lalo ng digmaan ng pamahalaan laban sa droga. Maraming halimaw ang nasa sistema, sagwan lang kamasa, lumuluha tayo para sa pagbabago.
Ang lupang pangako ay naglalagablab sa pagtangis, nagbabaga ang mga luhang dumadaloy sa mga pisngi ng mga inosenteng nauulila, alam nating hindi droga lamang ang kalaban o terorismo, may mga demonyong nanghihiram ng uniporme ng pagbabago. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
