PANANAW NG SAGAD-SARING TRADISYUNAL NA POLITIKO

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

 

HINDI kahanga-hanga ang pahayag n Senador Manny Pacquiao laban sa ­korapsyon dahil inulit lang niya ang lumang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilabas ni Pacquiao ang kanyang pananaw laban sa korapsyon nang manumpa siya bilang bagong pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Si Duterte ang chairman ng PDP-Laban na ­maraming sinabing ­matitinding salita laban sa korapsyon, ngunit ubod nang kupad kumilos kapag ang mga itinalaga niya sa pwesto ang sangkot, o binabatikos nang todo sa media.

Ito ang ilan sa banat ni Pacquiao: “Galit na galit ako sa mga korap na mga ­opisyales pati na rin sa mga korap na government ­workers. Sila ang nagnanakaw ng pera ng bayan, pera na dapat ay para sa mga programa at proyekto na makakatulong sa ating mga naghihirap na kababayan”.

“Kalaban natin ang mga kurakot. Ang ninanakaw nila ay inuutang pa natin. Nakakalungkot na milyon-milyong mga kababayan natin ang nagugutom, nagkakasakit at nawawalan na ng pag-asa

habang ang ­bilyon-bilyon naman ay ninanakaw ng iilan sa gobyerno,” pagpapalawig ng senador sa kanyang paninindigan.

Syempre, ang lahat ng taong nakapalibot kay Pacquiao, lalo na ang kanyang asawa at mga anak, ay naniniwala sa kanya.

Tiyak ako na ipapalaganap nilang ang boksingerong naging politiko ay siyang “pag-asa” ng Pilipinas.

Huwag mang aminin ni Pacquiao at ng iba pang namumuno sa PDP-Laban tulad nina Senador Aquilino Pimentel Jr. at Speaker Lord Allan Jay Velasco ay kumbinsidung-kumbinsidong palpak

ang kanilang ‘big boss’ sa partido pagdating sa pagsugpo at paglaban sa samu’t saring diskarte ng katiwalan, korapsyon at pandarambong.

Ngunit, hindi nangangahulugang sina Pacquiao, Pimentel at Velasco ang nagtagumpay ng laban sa ­korapsyon, lalo na si Pacquiao.

Hindi ko alam kung mayroon kayong nabalitaan sa media na aktibo ang mga nasabing politiko laban sa korapsyon.

Wala kasi akong nabalitaan.

Hindi ko alam kung mayroon kayong nabalitaan sa media na aktibo at agresibo sina Pacquiao, Pimentel at Velasco laban sa korapsyon.

Wala kasi akong nabalitaan.

Napakaraming katiwalian, korapsyon at pandarambong na tinatalakay, iniimbestigahan at binabatikos ang mga senador at kongresista hinggil sa korapsyon ng mga opisyal at kawani ng iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan, ngunit hindi narinig na nagsalita sina Pimentel, Velasco at Pacquiao laban sa mga korap at mandarambong.

Wala akong nalalamang impormasyon na binangga ni Pacquiao ang mga korap at mandarambong sa Bureau of Immigration (BI), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Health Insurance Corporation (PhiHeath), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), Philippine Sports Commission (PSC) at iba pa.

Tapos, sa isang iglap inilabas niya ang kanyang ‘napakatinding’ galit sa ­korapsyon.

Pokaragat na ‘yan!

Habang abalang-abala ang mga tauhan ni Duterte sa mga milyun-milyong hanggang bilyun-bilyong mga proyekto ng pamahalaan upang tapatan ng solusyon ang patuloy na problemang inilalatag ng coronavirus ­disease 2019 (COVID-19), biglang nagsalita si Pacquaio hinggil sa korapsyon.

Pokaragat na ‘yan!
Sa gitna ng kaliwa’t kanang birada sa pagiging kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) ng mga

kongresista ng pangkat ng Koalisyong Makabayan ay lumantad si Pacquiao kung saan ang paksa ay ­korapsyon.
Pokaragat na ‘yan!

Higit na malaking isyu – at tiyak na malalaglag tayo sa ating kinauupuan – kung pinaalalahanan ni Pacquiao ang mga opisyal ni Duterte na itinalaga sa COVID-19 na ­siguraduhing wala silang nanakawing pera ng pamahalaan kahit singko dahil ipinangungutang lang ang pondo laban sa COVID-19.

Mas magaling nga kung binalaan pa sila ni Pacquiao na pangungunahan niya ang pagsasampa ng kasong ­kriminal kung nanakawin nila ang perang inilaan at ilalaan pa sa COVID-19.

At higit na nakakatuwa si Pacquiao kung sesegundahan niya ang chairman ng PDP-Laban na si Duterte sa pangungumbinsi sa mga ­kongresista ng Makabayan na kondinahin at batikusin ang CPP-NPA-NDFP.

Walang bago sa talumpati ni Pacquaio nang manumpa itong bagong pangulo ng PDP-Laban.

Sa kanyang talumpati, kinumpirma at pinatunayan lamang ni Pacquiao na siya ay isa ring sagad – saring tradisyunal na politiko tulad ng iba.
Ipinahiwatig din ng ­naturang boksingrero na tatakbo siya sa pagkapangulo sa halalang 2022.

Ang totoo, bago pa man maganap ang halalang 2016, nababalita na ang ­”ambisyon” ni Pacquiao na maging ­pangulo ng bansa.

Ipinalulutang ng ilang kasamahan sa media na isa si Pacquiao na ‘seryoso’ sa gustong tumakbo sa pagkapangulo sa halalang 2022.

Ang iba pang posibleng tumakbo sa pagkapangulo ay sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio, Bise – ­Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

Si Robredo lang ang oposisyon. Siya ay pinuno ng ­Liberal Party (LP), o higit kilala sa tawag na “Dilawan”.

491

Related posts

Leave a Comment